Kapos na ang droga

HINDI dapat maging kampante si Philippine National Police chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato” dela Rosa kahit buma­ba na sa 50% ang krimen sa Metro Manila. Kasi nga sa panahon ngayon na kinakapos ang droga sa walang humpay na kampanya ng PNP tiyak na maraming adik ang mabuburyong. Karamihan sa mga drug pushers ay luminya na sa ibang estilo ng hanapbuhay. Samantalang ang mga adik ngayon ay unti-unti nang nabuburyong kaya nakagagawa ng karumal-dumal na krimen. Katulad na lamang sa Cavite kung saan hinostage ng isang adik ang kanyang live-in-partner  sa loob ng isang mall, na-ging madugo ang eksenang iyon. May nakunan din habang may tinataga ang isang naburyong na adik. Marahil epekto ito ng kawalan ng drogang sinisinghot kaya nagagawa ang krimen.

Noong Sabado, nakatanggap ako ng tawag kay Richard ng Parañaque City na apat na lalaki ang humoldap sa kanilang sinasakyang Kellen Transport sa EDSA, Makati City. Ayon kay Richard may sumakay na apat na lalaki sa kanto ng Buendia/EDSA na pawang naka-jacket at bullcaps (mga mukhang adik) na armado ng mga baril at nilimas ang mga mahahalagang gamit  ng mga pasahero. Bumaba ang mga ito pagsapit ng Magallanes flyover. Ito ang dapat na pagtuunan ng pansin ni Dela Rosa. Dapat magtalaga siya ng mga pulis sa bus at kalsada upang mahuli ng mga holdaper.

Samantala, umangat ang kilay nitong aking mga kausap sa mabilis na pag-usad ng husgado sa pinaghihinalaang drug offenders. Hehehe! Kamakailan lamang, hinatulan ng Taguig Regional Trial Court ang isang Joel Tinga ng habambuhay  na pagkabilanggo dahil sa pagtutulak ng droga. Para sa iba, pangkaraniwang kaso lamang ngayon ang pagtutulak ng droga pero hindi ito ordinaryo kung malapit na kaanak ng isang kilalang angkan ng mga pulitiko ang nasasangkot. Batay sa record ng mga otoridad at maging sa mga naglabasang balita, si Joel Tinga na kabilang sa big time organized drug syndicate na Tinga drug syndicate ng Taguig City.

Sa report ng PDEA lumalabas na ang bentahan ng shabu ay nagaganap sa mga sari-sari store sa Taguig. Nakababahala ito lalo’t narinig mula kay Pres. Rodrigo Duterte na talamak ang narco politics sa bansa at ito ang pangunahing dahilan kung bakit hinarang niya ang pagdaraos ng barangay elections.  Ayon kay Duterte, maraming pulitiko ang may kaugnayan sa drug activities na nagbunsod sa kanya upang kanselahin ang barangay elections. Natimbog ng PDEA si Joel sa ikinasang buy-bust operation noong June 21, 2009 kung saan nahulihan ito ng shabu na nagkakahalaga ng P60,000.

Sa record ng PNP, si Joel Tinga ay kabilang sa Tinga drug syndicate. Ang iba pang miyembro nito na may mga kinakaharap ng mga kaso ay sina Elisa, Henry, Joana, Fernando, Allan Carlos, Alberto, at Bernardo. May koneksyon din sa Tinga drug group ang napaslang na kapatid ng aktres na si Maritoni Fernandez na si Aurora Moynihan. Noong 2013 sa isang  apartment sa Bgy. Sta. Ana sa Taguig ay natimbog ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs si Moynihan at ang iba pang miyembro ng sindikato na sina Joana Tiñga, live-in partner nitong si Philip Gutierrez, Henry Tiñga, Eileen Adeza, Luisito Mabilog, Ester Minorete at Cleon Ong.  Kayo ang humusga, bukas ang pahinang ito sa inyong reklamo at paglilinaw. Mag-email sa banat_bening@yahoo.com. Get nyo mga suki!

 

 

Show comments