EDITORYAL - Wala pang nakakasuhang pulis sa drug killings

AYON sa PNP Internal Affairs Service (IAS) mula Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon, 1,411 kaso ng pagpatay na may kinalaman sa illegal na droga. Sa bilang na ito, 1,298 ang nangyari noong Hulyo na naupo si Prisedent Rodrigo Duterte. Ayon sa IAS, 300 kaso na ang naresolba sapagkat ang mga ito ay legitimate police operation. Nasa 28 kaso naman umano ang kasalukuyang dinirinig sapagkat nakitaan ang mga pulis sa paglabag sa operational procedures. Isa sa mga dinidinig ang kaso ng pagpatay sa mag-ama sa Pasay City. Sumuko ang mag-ama sa mga pulis subalit kinabukasan, patay na ang mga ito dahil nang-agaw daw ng baril.

Isa sa mga nakaka-shock na sinabi ng IAS ay wala pa silang nakakasuhan ni isa mang pulis. Sa pagdinig ng Senado ukol sa extrajudicial killings noong Miyerkules, tinanong ni Sen. Richard Gordon, justice and human rights committee chairman ang IAS kung mayroon na silang nakasuhan at nagulat ang senador nang sabihing wala pa. Hindi napigilan ni Gordon ang magsermon sa mga inimbitahang police officials. Tinapos na ang hea-ring sa extrajudicial killings at maraming naiwang katanungan. Wala ring gaanong nahukay sa mga pulis na sangkot sa drug killings.

Habang mainit na mainit ang balita sa mga pata-yang may kaugnayan sa illegal na droga, dalawang mataas na opisyal ng PNP sa Oriental Mindoro ang nahaharap sa kasong pagpatay sa isang babaing opisyal ng Citizens Crime Watch (CCW) sa Gloria, Oriental Mindoro noong Linggo ng gabi. Ang pinatay ay si Zenaida Luz. Binaril siya sa harapan ng kanyang bahay ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo. Pagkaraang barilin, tumakas ang dalawa. Mabilis na naireport ang pamamaril at hinabol ang gunmen. Nakipagbarilan ang mga ito sa mga pulis. Nasugatan ang isa sa gunmen. Naaresto ang isa pa. Gulat na gulat ang mga pulis sapagkat pulis din pala ang mga suspect --- sina Sr. Insp. Magdaleno Pimentel  Jr. at Insp. Markson Almeranez. Nakakulong na ang dalawa.

Siguruhin ng PNP na makakasuhan ang dalawang pulis para mapagbayaran ang ginawa. Ipakita ng PNP na kumikilos sila kahit sa kanilang kabaro. Huwag hayaang batikusin ukol dito.

Show comments