‘Alsa balutan!’

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

ANG PAGNENEGOSYO ay isang parang laro ng kapalaran na maaari kang manalo at kung minsan naman e matalo. Hindi araw-araw papasok ang pera sa ‘yo.

“Nag-apply ako tapos uuwi pala akong walang dalang kahit na ano,” pahayag ni Noralyn.

Nag-apply bilang isang kasambahay si Noralyn Hoybia sa ahensyang nakita niya sa dyaryo.

“May empleyadong nagpunta rito at kinausap ako. Sabi niya sige apply ka limang libo hanggang anim na libong piso ang panimulang sahod,” kwento ni Noralyn.

Ipinaliwanag sa kanya ng isang Del Castillo ang patakaran ng VMTG Maids Manpower Agency.

“Kapag pumasok daw ako sa agency walang kakaltasin sa sahod ko at isang araw lang akong mananatili sa agency. Sagot din nila pagpapa-medical ko,” ayon kay Noralyn.

Kapag sumailalim na siya sa ‘medical examination’ ay ihahatid na siya kaagad sa kanyang magiging amo. Hindi rin daw siya pipilitin kung ayaw niya sa mapupuntang amo dahil may karapatang mamili ang aplikante

“Hindi ako agad sumama dahil marumi ang mga damit ko. Magpapadala sila ng pamasahe ko. Tinanong niya pa ako kung magkano sabi ko limang daan,” salaysay ni Noralyn.

Napagkasunduan nila na kalahati ng ipapadalang pera sa kanya ay babayaran niya sa ahensya.

Pagkatanggap niya ng pera lumuwas siya papuntang ahensya mula Olangapo. Kinabukasan sumailalim siya sa medical examination.

“Nagtanong ako kung anong oras nila ako ihahatid sa magiging amo ko. Sabi sa ‘kin kinabukasan na raw dahil hihintayin pa nila ang resulta ng medical ko,” sabi ni Noralyn.

Kinabukasan kinuha umano ng ahensya ang kanyang bag at inilagay sa opisina. Yun daw ang patakaran ng amo nila.

Naranasan niya din raw na ipadlock sa loob ng opisina dahil umalis ang isang tauhan nito. Wala raw itong magawa dahil yun ang utos sa kanya.

“Tatlong araw akong naghintay sa ahensya kaya nagpasya akong umuwi dahil wala pa pala akong amo,” sabi ni Noralyn.

Sinubukan niyang magpaalam sa mga ito ngunit di siya pinayagan. Hindi raw siya basta makaalis dahil ang gamit niya ay nasa loob ng opisina.

May isang kasamahan siya doon na sinabing hindi pa siya pwedeng umuwi dahil kailangan pa siyang makausap ng magiging amo niya. Nung araw na yun may biglang tumawag na employer at ihahatid na raw siya yun.

“Pumayag ako nun kasi sabi nila kakausapin lang ako ng magi­ging amo at ayaw din nilang ibigay ang gamit ko. Ipinaalam ko na din sa kanila na gusto ko ng umatras,” wika ni Noralyn.

Hindi naman daw siya kinausap ng magiging employer niya at pinagbihis na siya kaagad kahit ayaw niya.

Kinausap niya na lang ang amo niyang babae at ayon dito kakaltasan daw siya ng Php1,250 sa unang sahod niya. Parte niya raw yun sa ahensya na pinasukan niya. Kakaltasan pa raw siya ng sampung araw para sa pondo.

“Humingi na lang ako ng pasensya sa kanya dahil hindi kami nagkausap. Sinabi ko na nagback-out na ako dahil sa tagal ng paghihintay ko,” salaysay ni Noralyn.

Pumayag ito ngunit kailangan daw maibalik ang perang ibinayad nito sa ahensya. Ibinalik naman ng ahensya ang pera nito.

“Pagbalik ko sa ahensya kinuha nila ang gamit ko pati na ang dalawa kong cellphone. Pinapaakyat pa ako sa 3rd floor pero hindi ko ginawa dahil baka ikulong nila ako ulit,” sabi ni Noralyn.

Ginigipit daw siya ng ahensya dahil kinakailangan niyang magbayad ng dalawang libong piso para sa inilagi niya kasama na rin ang kinain niya at pinangbayad sa medical.

Sinubukan ni Noralyn na makiusap na may tala naman siya at nasa kamay nila ang NBI clearance niya at birth certificate kung maaari ay pipirma na lang siya ng kasunduan kung kailan siya magbabayad.

“Nataranta na ako nung kinuha nila ang mga gamit ko at yung cellphone kong dalawa. Pati tatlong daang pisong pera sa bag ko hindi ko na naalalang kunin,” kwento ni Noralyn.

Umalis si Noralyn na tanging suot lang ang dala. Sinubukan niyang lumapit sa barangay para humingi ng tulong na makuha kahit ang cellphone niya lang ngunit hindi raw siya pinansin ng mga ito.

“Wala raw silang magagawa sa problema ko. Gusto ko lang naman na makuha ang mga gamit ko. Pinagbabayad nila ako ng pagtigil ko sa kanila sila naman ang may kasalanan kung ako natagalan,” salaysay ni Noralyn.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tinawagan namin ang VMTG Maids Manpower Agency upang hingin ang kanilang panig para sa isang patas na pamamahayag. Una naming nakausap ay ang agent na si Cielo de Asis at ibinigay namin ang mga detalye na ibinigay sa amin ni Noralyn.

May kumausap sa amin at nagpakilala bilang si Minerva Gabito na may-ari raw ng ahensya. Ayon sa kanya ginastusan daw nila si Noralyn at binigyan ng pamasahe pati raw sa asawa nito ay nagpadala sila ng pera.

“Madalas kaming naloloko ng aplikante tapos tatakutin niyo kami? Magpunta kayo dito at magharap-harap tayo,” sabi ni Minerva sabay baba ng telepono.

Pinabulaanan naman ni Noralyn na nagpadala ng pera ang ahensya sa kanyang asawa.

Kadalasan sa isang kontrata kapag nagbayad ng pera para sa office fee kung minsan may delivery fee pa. Meron pa yan kung magkano na ang nautang sa loob ng opisina kasama ang kinain at binabawasan ng 20% ang sweldo at kinukuha ng advance sa employer. Halimbawa apat na libo ang sweldo, ang ‘placement fee’ ng opisina ay kadalasan ay Php4,000 din. Kargado pa ang transportation fee sa pagpapadala dun at 20% ng apat na libo ay Php800, delivery fee na Php300 o Php500 kapag malayo. Ang isang kontrata ay tumatagal ng anim na buwan lamang.

Ang agency ay may obligasyon na bigyan ang employer ng pitong araw na trial period at pag di sila nagkasundo kelangan palitan ito o kapag di natapos ang anim na buwan meron siya hanggang dalawang replacement subalit kelangan magbayad ng replacement fee na kadalasan Php1,500.

Kung kailangan ipanik ang usaping ito sa tanggapan ni Department of Labor And Employment (DOLE) kay Sec. Silvestre Bello III para dun magharap-harap ay bibigyan namin sila ng kopya ng nangyari kay Noralyn.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments