Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
SA ANUMANG USAPIN katotohanan lang ang dapat mong binabanggit para magkaproblema.
“Irereport ko sanang nawawala anak ko. Pagdating sa presinto nagulat ako nang makitang nasa loob siya ng rehas,” ayon kay Melanie.
May panata ang anak ni Melanie Poreno na si Efren Poreno, Jr. o mas kilala sa kanilang lugar bilang Froilan ang umakyat sa Antipolo para manalangin. Bihira lang daw itong umalis ng bahay dahil mahiyain.
Ika-27 ng Marso 2012 nang magpaalam si Froilan na magpupunta ng Antipolo para magdasal. Umaga na hindi pa umuuwi ang anak.
Hinanap na nila sa mga kakilala si Froilan. Nagpunta na rin sila sa barangay para mag-report at sinabihan sila na dumiretso na sa pulis para ipa-blotter ang pagkawala ni Froilan na noo’y 32 taong gulang.
“May dala akong litrato niya. Nakapila na kami sa presinto nang magawi ang tingin ko sa may selda. May nakaupo dun na parang wala sa sarili. Nagulat ako anak ko na pala yun,” salaysay ni Melanie.
Mula’t sapul ay sakitin na raw itong si Froilan kaya hindi na nila pinagtrabaho. Wala rin itong naging asawa. Napansin din ni Melanie na tila may tama sa kilay ni Froilan at may paso raw ng pang-welding.
“Nung na-inquest ang anak ko dun ko lang nalaman ang mga kaso. Hindi naman gaanong nagsasalita ang anak ko,” wika ni Melanie.
‘Resistance and Disobedience to an Agent of a person in authority’, Obstruction of Justice, Concealing of True name at Illegal Possession of Firearms’, ang ikinaso kay Froilan.
Ang ibinigay daw kasing pangalan ni Froilan sa mga pulis ay ang palayaw niya sa halip na ang buong pangalan na Efren Poreno Jr.
Sa impormasyong isinumite ng mga pulis noong Marso 27, 2012 ay nasa duty si PO2 Gilbert Galguerra. Hindi raw sumunod si Froilan sa pag-aresto nito at nagsalita pa ng masama.
“Tanggalin mo ang suot mong salamin. Bakit ko ilalabas ang kamay ko? Sige barilin mo na ako. Pu7@ng 1#a ka pulis ka lang.”
Tatlong araw na nakulong sa selda ng San Mateo, Rizal si Froilan bago naglabas ng order si Asst. Provincial Prosecutor Edwin V. Infante para pakawalan si Froilan.
Nakitaan ng ‘probable cause’ para sa kasong Resistance and Disobedience to an Agent of Person in authority habang dismissed naman ang Obstruction of Justice.
Sa mismong alegasyon ng pulis ang taong may hawak ng baril ay agad na tumakbo matapos siyang makita papalapit. Samakatuwid ang taong ito ay hindi naaaresto dahil tumakbo na at hindi dahil sa namagitan si Froilan.
Hindi rin daw maipa-file ang Illegal Possession of Firearms dahil ang may hawak ng baril ay isang John Doe. Hindi rin daw napatunayan kung talaga bang baril ito dahil hindi naman nakuha ng mga pulis.
Depensa ni Froilan nung petsa at oras na nangyari ang insidente nasa C6 daw siya at tinatanaw ang Metro Manila habang naninigarilyo.
“May lumapit sa aking motor na pulis na noon ay ‘di ko kilala na si PO2 Galguerra. Bumaba siya ng motor at lumapit sa akin. Tinanong ako kung taga saan ako,” ayon sa salaysay.
Sasagutin pa lang daw niya ang pulis nang bigla na lang umano siyang tinutukan ng baril. “Itaas mo ang kamay mo!” Sa takot ni Froilan hindi siya nakagalaw sa kanyang kinatatayuan.
Hindi niya maitaas ang kanyang kamay dahil iniisip niyang baka pumutok ang baril na nakatutok sa kanya. May dumating pa na pulis at itinulak siya padapa pagkatapos ay nilagyan na siya ng posas at isinakay sa mobil na dala ng pulis na dumating.
“Dinala ako sa San Mateo Police Station habang nakaposas at dinala sa isang kwarto at pinahirapan. Sakit ng katawan at pagkalito ang nangyayari sa akin ng mga sandaling iyon,” ayon kay Froilan.
Pinalo raw ng yantok ang kanyang mga hita at paa na may kasamang tadyak sa dibdib at likod. Pilit daw pinapaamin sa pagkakawala ng bisekleta.
Namamaga rin daw ang kanyang panga sa mga suntok. Hindi raw siya nakatanggi o nakaiwas nang siya ay pinadapa. Nang tutukan daw siya ng baril sa takot niya ay nakapagsalita siya na barilin na siya.
Ang karapatan pantao ni Froilan ay nilabag sa insidenteng ito. Hindi sila makapagsampa ng kaukulang reklamo dahil alam nilang kakailanganin nila ng panggastos at wala naman silang pera.
“Humingi kami ng tulong sa PAO para maasistehan kami sa kaso. Ang problema namin nabanggit niya sa ‘min na kakilala o kaibigan niya ang kalabang pulis,” pahayag ni Melanie.
Nagpatingin din daw sila sa Psychiatrist dahil sa traumang pinagdadaanan ni Froilan. Nang maikwento ng kanyang anak ang mga pinagdaanan ayaw umano ng doktor na umupo sa korte at humarap.
Wala rin silang maipakitang medico legal report dahil hindi na raw ito tinanggap sa pagamutan dahil ilang araw na ang nakakalipas.
Sa tagal ng itinakbo ng kaso nasalanta pa sila ng Habagat. Nung hindi dumadalo ang pulis sa mga patawag ay inakala nila madidismiss na ang kaso. Nagtaka na lamang sila nang may isa pang pulis ang pinatatawag sa korte.
“Yun daw ang nanakit sa anak ko. Mula nun ayaw na niyang magpakita sa korte dahil natatakot siya,” sabi ni Melanie.
Sa balitang kaibigan o kakilala ng kanyang abogado ang nagrereklamong pulis gusto sana ni Melanie na magpalit na lang ng abogado.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi tinanggap ng korte ang mga litratong ibinigay nina Melanie dahil hahanapan pa rin sila ng medical certificate tungkol sa mga natamong pasa sa katawan ni Froilan.
Ang doktor na sumuri sa pasyente ay ipapatawag ng korte para umupo at matanong tungkol sa kanyang mga nakita sa katawan ni Froilan. Hindi sapat na papel lamang dahil pagpapaliwanagin ito sa korte.
Maaaring magpalit ng abogado ni Melanie kung tingin nilang dehado sila sa naatasang ipagtanggol sila. Kailangan lang mag-withdraw ng appearance ang kasalukuyan nilang abogado pero kinakailangan na nilang maghanap ng kapalit nito.
Ang tungkol sa pinagdadaanang trauma ni Froilan kailangan nila itong mapatingnan sa doktor dahil kinakailangan niyang umupo sa korte at ipaliwanag sa lahat kung ano ang kasalukuyang pinagdadaanan ng pasyente.
Sa huling pananalita, baka naman ang hukom sa kasong ito ay maging bigyang sila ng konsiderasyon dahil hindi naman ganun kalaki ang kasalanan nito.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.