WALANG humpay sina Bureau of Corrections director Ricardo Rainier Cruz at National Bilibid Prisons superintendent Richard Schwarzkopf. Nakaka-20 beses na nila sinosorpresang raid ang mga selda at kulungan sa pambansang piitan sa Muntinlupa, Metro Manila. Patuloy sila nakakahuli ng kontrabando: Baril, bala, granada, droga, signal jammers, computers, cell phones, wifi connections, audio-video recorders, stereos, at pati sex dolls. Pero patuloy pa rin ito nakakapuslit sa loob. Kasapakat kasi ang mga bisita, guwardiya, at construction workers. Aba’y kamakailan ay nakadiskubre sila ng VIP -- very important prisoner -- na nagbababad sa jacuzzi sa isang kubol.
Iba’t ibang patakaran na ang itinakda nina Cruz at Schwarzkopf para matigil ang pagpasok ng kontrabando. Naroong hinigpitan nila ang pagkapkap sa mga bisita at pag-inspeksiyon sa mga baon nito. Naantala ang lahat, pero kailangan ‘yon para madisiplina ang mga dalaw.
Naroong nanibak at nagsakdal din sila ng mga guwardiya. Ito ang mga nahuling nagpapasuhol sa mga mayayamang preso at gangs para palusutin ang kontrabando.
Nitong huli ipinagbawal na nila ang anumang construction sa loob at paligid ng NBP, para walang materyales o appliances na maipupuslit.
Pero direktang higpit lang ang lengguwaheng naiintindihan ng mga pusakal. Kaya ito ang dapat ipataw sa kanila. Una, palayasin lahat ng mga nakatira sa kubol, at ibigay ito sa mga matatanda, at sa mga relihiyoso na nais sumamba at magdasal.
Ikalawa, tanggalan o bawasan ng pribilehiyo -- tulad ng dalaw o liwaliw -- ang lahat ng mga nasa selda na mahulihan ng kontrabando.
Ikatlo, ibartolina ang mga matitigas-ulo sa Iwahig, Palawan, o Tagum, Davao, kung saan malayo sila sa mga dalaw at ka-gang.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).