MAY proteksyon nga ba ang sambayanan sa kabila ng kaliwa’t kanang checkpoint na inilatag ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippine sa ilalim ng superbisyon ng Comelec? Marahil meron nga, dahil mula nang ipatupad ito sangkaterbang baril at matatalas na bagay na ang nasamsam sa checkpoint at kulang-kulang sa 200 katao na ang nasampahan ng kaso. Puwera diyan ang barya-baryang lagayan o ayusan sa mga motorcycles at delivery trucks driver violators sa mga ilang na lugar na may checkpoint, hehehe! Pruweba ito na pursigido ang mga PNP at AFP sa paghahabol sa mga masasamang elemento na naglilipana sa kalye.
Ngunit sa Metro Manila patuloy pa rin ang pananalakay ng ilang masasamang grupo dahil kulang ang kapulisan sa pagpapatrulya sa mga residential areas. Katulad na lamang sa nangyaring pagsalakay ng Gapos Gang sa Parañaque City kung saan tinatayang P2 milyon ang tinangay ng dalawang suspek. Ayon sa sumbong na nakarating sa akin, pinasok ng dalawang lalaki ang bahay ng mag-asawang Liberto at Estrella Hilomen sa Bgy. Don Bosco, Parañaque City. Nasa ikalawang palapag umano ang dalawang biktima nang puwersahang sirain ng dalawang suspek ang screendoor at ng makapasok ay agad na itinali ang mag-asawa.
Hinalughog ang kuwarto ng mag-asawa pati na ang vault na kinalalagyan ng mga alahas na nagkakahalaga ng P400,000 at P100,000 cash money. Parang tumama sa lotto ang 2 suspek habang nananaghoy ang dalawang matanda sa pagkakagapos. Get mo Parañaque City Police chief S/Supt. Ariel Andrade! Habang nagpupumiglas ang mag-asawang retired teachers sa pagkakagapos abala naman sa pagsa-shopping ng mga mamahaling gamit katulad ng dalawang Laptop, Ipod, Mini Retina, 4 na cell phone, 2 PLDT Telpad, 9MM, Timex Watch at $1,150.
Talagang napaka-buwenas ng dalawang mandarambong dahil matapos limasin ang lahat ng kagamitang naipundar ng mag-asawa, tinangay pa ang Toyota Innova na may plakang NQG-358 sa pagtakas. Mabuti na lamang at iniwan ng mga suspek ang mga biktima na buhay, huhuhu! Ang masakit blanko ang mga pulis ni Andrade sa pangyayari dahil abala ang kanyang mga tauhan sa paglilibot sa mga iIllegal vices at check point sa mga motorcycle riders. Kaya napapaniwala ako nitong aking mga kausap na mas pinag-uukulan ng pansin ng mga pulis ni Andrade ang pangungulekta sa mga illegal gambling at side walk vendors.
Ayon pa sa sumbong ng aking mga kausap laganap na ang operasyon ng video karera/ fruit game machine sa kaharian ni Mayor Olivarez. Siyempre kapag may VK tiyak na may shabuhan! Kasi nga ayon sa aking mga kausap, galing pa umano sa Maynila ang mga inilatag na VK machines na kinukunsinti ng mga pulis ni Andrade, hehehe! Ganyan kalupit ang mga bataan ni Andrade pagdating sa atik kung kaya ang mga mandarambong ngayon sa residential areas ay nakakatiyempo sa pananalakay. Ewan ko kung papasa ito kina DILG Sec. Senen Sarmiento, PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez at NCRPO chief Dir. Joel Pagdilao? Abangan!