MAGTATAKA pa ba kung ang LTO ang may pinakamaraming reklamo? Sinu-sino sa inyo ang hindi pa nakukuha ang kanilang credit-card type na lisensiya kahit ilang buwan na ang lumipas? Sinu-sino sa inyo ang hindi pa nakukuha ang bagong plaka ng sasakyan, na binayaran na? Tatlong sunod-sunod na taon numero uno ang LTO sa dami ng reklamo. Mabagal na proseso dahil sa sama o palaging nasisira na kagamitan, hindi pa moderno ang computerization sa panahon kung saan kahit mga mahihirap ay may smartphone na. At ang pinakamasamang reklamo, hindi magagalang ang mga empleyado.
Ayon sa Civil Service Commission, naiintindihan nila na hindi ito mabibigyan ng solusyon kaagad, lalo na’t ang pangunahing dahilan ng sama ng serbisyo ay ang mga kasong isinampa laban sa mga anomalyang naganap sa ahensiya. Pero kahit may kaso pa, hindi ba pwedeng maging maayos ang pag-renew ng lisensya at rehistro man lang? May rekord na sa kanila ang mga mag-rerenew lang, at naka-rekord na rin ang mga lumang sasakyan na papalitan lamang ang plaka. Nagbabayad naman ang mga tao para rito, kaya dapat may pera para sa mga materyales tulad ng mga credit-card type na lisensya, pati na rin mga bagong plaka. Pero ang pagkakaalam ko ay sinuspindi na muna ng LTO ang pagkolekta ng bayad para sa mga bagong plaka. Eh paano naman ang mga nakapagbayad noong isang taon pa?
Kung fixer naman ang dahilan, kung walang kukuha ng “serbisyo” ang mga fixer ay kusang mawawala na lang ang mga iyan, kaya may kasalanan din ang mga tumatangkilik sa kanila. Pero ang pagiging walang galang ng mga empleyado ang hindi puwedeng palampasin. Nasa industriya sila ng serbisyo, nasa gobyerno sila. Hindi sila puwedeng mas importante pa sa mga sinisilbihan nila. Malungkot na karamihan ng mga nasa gobyerno ay nagiging ganito ang ugali, maging mataas na posisyon o hindi. Ang tao pa ang makikiusap para gawin ito o gawin iyon, kahit saklaw naman talaga ng kanilang tungkulin at trabaho. Kailangan sila ang hintayin, sila ang pagsilbihan. Ano ba ang pagkakaintindi nila sa salitang “Civil Service”?
Nangako ang bagong chairman ng LTO na aayusin ang mga problema ng ahensiya. Magtatapos na ang Enero, at tila wala pang pagbabago.Wala pa ring lisensya ang marami, wala pang plaka ang marami. Hindi tuloy malaman ng mga otoridad kung nakapagrehistro nga talaga ang mga sasakyan, dahil pati sticker ay tinigil na rin, dahil nga sa bagong plaka. Paano pala kung ipinagpapalit na ng mga kriminal ang mga plaka ng mga sasakyan nila?