Kalbaryo pa rin

AKALA namin noong formal inauguration ng 300-megawatt baseload coal-fired power plant ng Therma South Incorporated ng Aboitiz Power Corporation noong January 8 ay wala nang magiging problema sa kuryente lalo na rito sa Davao City kasi nga ito ay nasa  Barangay Binugao, Toril District at may 100-MW na contract nito ang Davao Light and Power Company.

Ngunit heto at may nakaamba na namang tatlo hanggang limang oras na brownout dito ayon sa advisory ng Davao Light simula bukas  bunsod sa maraming kadalihilanan. Hindi pa tapos ang kalbaryo namin dito sa katimugan.

Isa sa dahilan nito ay ang  pag-shut off ng isang unit ng TSI power plant simula bukas para sa isang corrective maintenance sa loob ng pitong araw. Kaya maaapektohan ang 100MW na allocation nito para sa Davao Light.

Dagdag pa nito ay ang malaking nabawas sa supply na makukuha sa pamamagitan  ng National Power Corporation-PSALM na dumadaan sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ayon sa  NGCP ito ay dahil sa mababang water level sa mga major sources ng hydro-power plants na naging main source of power sa Mindanao dahil nga sa El Niño.

At ang isa pang dahilan ay ang nanatiling hindi pa nareresolbang problema ng pangbobomba ng NGCP transmission towers kaya hindi nakakarating sa mga power distributors sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao,

Hanggang ngayon ay hindi pa rin pumapayag ang may-ari ng lupa kung nasaan ang Tower 25 ng NGCP sa Lanao na pasukin ang kanilang property at ayusin na ang nasabing tower.

Inamin naman ni Pangulong Aquino na ang ‘Road Right Of Way’ ay naging malaking problema nga sa sitwasyon ng Tower 25.

Dahil sa mga problemang ito ay may pangamba rin na maapektohan ang pagdaos ng halalan sa Mayo 9 dito sa Mindanao.

Ito ngayon ang tinitingnan ng Commission on Elections at kailangang maisaayos na ang power supply sa Mindanao bago pa dumating ang halalan.

At ang Davao Light naman ay may 320 to 340 MW na peak demand ngunit ang supply na makukuha nito sa mga susunod na araw ay nasa 233 MW lang, Ang higit 100MW na kulang sa supply nito ay nangangahulugang magkakaroon na naman ng tatlo hanggang limang oras na rotational brownout dito sa Davao City.

Itong problema ng kawalan ng sapat na supply ng kur­yente sa Mindanao ay tinalakay na kahit na noon pang 1990s. Ngunit hanggang ngayon nananatili pa rin itong pangunahing problema sa Mindanao.

Kailan pa kaya matuldokan ang kalbaryong ito na dinadanas ng Mindanao sa masyado nang mahabang panahon.

Show comments