Tulong sa OFWs at pamilya

INAPRUBAHAN na ng Senado ang Customs Moder-nization and Tariff Act na ginawang P150,000 ang dating P10,000 tax-exempt value ng balikbayan box.

Sa madaling salita, maari nang magpadala ng balikbayan box ang mga OFW at expat na ang halaga ng goods na nasa karton ay hindi aabot ng P150,000 kaya walang sisingiling buwis ang gobyerno.

Dapat nga lamang ang ipadadalang goods sa pamilya ng OFW ay iba-iba ang uri. Halimbawa ang corned beef at iba pang uring ipinadala ay dalawa lamang bawat brand.

Dahil kung magpapadala ang isang OFW ng isang dosenang spiced ham, isang dosenang vienna sausage, hindi na nga naman for personal use ng pinadalhan kundi plano nilang gawing negosyo at kanilang ipagbibili.

Huwag kalilimutan ng OFWs at kanilang pamilya na pumasok sa ating bansa ang imported goods na walang binayarang buwis dahil ito ay ibinigay na special privilege sa ating makabagong bayani, kaya huwag naman nila itong abusuhin.

Ang P150,000 limit na laman ng ipadadalang balikba-yan box ay malaking tulong sa pamilya ng OFWs at expat.

Dahil alam natin na karamihan sa iniwang pamilya ng OFWs ay mga mahihirap, kaya malaking tulong sa kanila ang padalang imported goods ng kanilang kamag-anak na OFW.

* * *

NAIS kong batiin ang dalawang ginoo sa Quezon na gusto ring maglingkod sa bayan. Ang tinutukoy ko ay sina Teodorico “Teddy” Gonzales na kumakandidatong gobernador ng Quezon.

Ang ikalawa ay si Marcil “Marc” Groyon Guay ng Atimonan na tumatakbong congressman sa 4th District. Hanga ako sa inyong hangaring maglingkod sa bayan.

Bilang kandidatong pangulo sa ilalim ng Partido ng Manggagawa at Magsasaka, tinanggap namin ang imbitasyon ng Comelec na sumali sa isasagawang presidential debates. Ang unang debate ay gaganapin sa Cagayan de Oro City sa Pebrero 21. Mapapanood ito sa GMA 7 mula 5:00 p.m. hanggang 7:00 p.m.

Panoorin ang tatlong serye ng presidential debates bago ninyo piliin ang gusto ninyong iboto batay sa katangian at kakayahan ng isang kandidato.

Show comments