SIMULA na nang unti-unting pagkawasak ng political dynasties sa bansa. Una nang giniba sa Sangguniang Kabataan at masusubukan na ang pagbabago sa Oktubre kung kailan magdaraos ng election. Salamat sa pagpupursigi ni Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao at Sen. Paolo Benigno Aquino IV.
Hindi na uubra na ang tatakbong SK officials ay anak, apo o pinsan ng sinumang elected official sa probinsiya, siyudad, bayan at barangay. Mahigpit na itong ipagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 10742 na pinirmahan ni President Noynoy Aquino noong Martes. Nagkaroon din ng bunga ang pagsisikap nina Rep. Bag-ao na principal author ng batas at ganundin naman si Sen. Bam Aquino IV. Matagal ding panahon na ipinaglaban ang panukala at ngayon ay nagbunga na.
Ngayong aprubado na ang batas, mapipigilan na ang mga dupang sa kapangyarihan. Kung hindi naipasa ang batas, mananatili ang angkan-angkan sa SK. Magpapatuloy ang masamang gawain na ang mga nakaupong SK officials ay kamag-anak ng mayor, vice mayor at mismong barangay chairman. At dahil related o may kaugnayan sa mga elected na opisyal ng siyudad, bayan at barangay ang SK officials, dito na magsisimula ang corruption. Malakas ang loob ng SK officials sapagkat mayroon siyang kakamping mataas sa puwesto. Mayroong kamag-anak na kakalong sa kanya. Maabsuwelto siya sa anumang kasalanang ginawa habang namumuno sa SK.
Ngayong naipasa na ang pagbabawal sa political dynasties sa SK, ang mas dapat magkaroon ng kaganapan ay ang pagpapasa naman ng pagbabawal sa political dynasties sa mga tatakbo sa mataas na posisyon --- presidente, bise presidente, senador at representante. Kung maipagbabawal ang political dynasties sa mga pulitiko, asahan na magkakaroon ng pagbabago sa bansa. Mawawala na ang mga gahaman sa puwesto na iuupo ang asawa, anak, manugang, pamangkin at iba pang kamag-anak para maghari sa barangay, bayan at siyudad.