KAHAPON nagulantang ang aking mga suki matapos mapanood sa television, mapakinggan sa radyo at mabasa sa mga diyaryo ang P700 milyong droga na nalambat ng mga operatiba sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila. Kasi nga, isa sa pangunahing inaakusahan dito ay ang dating drugbuster na si Lt. Col. Ferdinand Marcelino ng kanyang mga kabaro. Nag-ugat ang pagkaaresto kay Marcelino ng i-serve ang search warrant na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court sa isang unit ng Celadon Residences sa Felix Huertas Street, Sta. Cruz, Manila, nang magkasanib na Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police Anti-Illegal Group (PNP-AIDG) kamakalawa ng hapon. Kaya naman pala hindi kami pinayagan na makunan ng larawan ang miniLab, may malaking isda pala silang nalambat na makakasira sa imahe ng ating mga law enforcers, hehehe!
Kasi nga ang pakay ng grupo ay tuklasin at dakmain ang mga personalidad na nagmamantine sa mini laboratory ng pinaghihinalaang shabu. Kaya nang pasukin ng tropa ay todo sarado at patay ang mga ilaw sa loob ng naturang unit. Subalit ng makapasok at mabuksan ang mga ilaw sa loob ng unit tumambad ang mga nakaimbak na shabu na nakasilid pa sa mga plastic boxes. Nagitla pa ang mga operatiba nang masukol umano sina Marcelino at ang dating Chinese interpreter ng PDEA na si Yan Yi Shuo. Siyempre todo-todo ang pagtatanggi si Marcelino at ang kanyang alibay ay nandoon lamang siya sa lugar dahil may misyon siyang tinatrabaho. Mukhang hindi pumasa ang kanyang pasakalye, hehehe! Dahil puwersahan na siyang binitbit ng mga operatiba at malamang na kakaharapin nito ang pinakamalupit na kaparusahan ng batas.
At habang abala ang mga taga-PDEA at PNP-AIDG sa pag-iimbentaryo sa mga nakumpiskang shabu at paraphernalias ay sumabog naman ang balitang isang warehouse naman sa may Valenzuela City ang natuklasan kung saan drum-drum na Chemical na sangkap sa paggawa ng Shabu ang natuklasan. Hindi na nakapalag Ang Chinese na si Qian Kun Huang ng arestuhin sa salang paglabag sa pag-iimbak ng kemikal ng ipinagbabawal na droga. Hehehe! Kaya ang limang Pinoy na tauhan ay kasama na rin dinala sa PDEA Headquarters. Sa ngayon malakas ang kutob ng aking mga kausap sa Manila Police District na may kinalaman si Lt. Col. Marcelino sa operasyon ng drug syndicate dahil ang kanyang presensiya sa lugar ng minilab sa Sta. Cruz ay sapat ng batayan. Kaya tuloy ang hiling ng aking mga kausap dapat lamang na pag-ibayuhin ng PDEA at PNP-AIDG ang pagmamanman sa mga pulis na lumilinya rin sa pagsalakay ng mga shabuhan.
Madaling pagkakakitaan ang shabu sa ngayon dahil na rin sa pagtangkilik ng ilan nating mga kababayan. Uso na kasi ang bangketahan sa mga pushers/user at pag-recycle ng mga nasamsam na shabu sa mga presinto na pinagkakakitaan ng datung ng ilang mandirigmang pulis. Kaya panawagan ng aking mga kausap kay Pres. Noynoy Aquino, DILG Sec. Senen Sarmiento at PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez i-“life style check” ang mga pulis sa buong bansa nang maarok kung saan nanggagaling ang kayamanan nila. Abangan!