MULI nagngingitngit ang mamamayan kay President Noynoy Aquino. Ito’y nang i-veto niya ang bagong batas na magdadagdag sana ng P2,000 kada buwan sa pensiyon ng mga retiradong miyembro ng SSS.
Maliit na bagay lang ang P2,000 kumpara sa buwanang sahod at allowances ng matataas sa gobyerno. Pero malaking halaga na ito para sa pensioners ng tig-P1,500-P4,000 lang kada buwan.
Pinatay ni P-Noy ang pension increase dahil ikalu-lugi umano ito ng SSS. Ang P2,000 kada buwan para sa 2.15 milyong pensioners ay magkakahalaga ng P56 bilyon kada taon. Unang taon pa lang daw ay wiped out na ang kinita ng SSS nu’ng 2014. Kung magpapatuloy ito, mauubos ang SSS assets sa 2029. Wala nang mapepensiyon ang 30 milyong miyembro na naghuhulog pa lang ngayon. “Iresponsableng gobyerno” lang daw ang gagawa nito, ani Press Sec. Herminio Coloma.
Napaka-palalo ni P-Noy -- umaasal na siya lang ang marunong sa gobyerno. Paalis na siya sa Hunyo, ipagkakait pa ang dagdag-pensiyon na ang susunod na admin naman ang magpapatupad. Kung nagkataong mahusay kaysa P-Noy ang susunod na admin humanap ng pondo na pantustos sa dagdag, e di guminhawa sana ang buhay ng pensioners. Aba’y 38% lang ang collection efficiency ng SSS sa hulog ng mga miyembro; may 62% pang ihuhusay kung pagsisikapan lang sana.
Pangalawang beses nang nag-veto si P-Noy ng pampagaan sa buhay ng maliliit na mamamayan. Nu’ng 2013 ibinasura din niya ang Magna Karta for the Poor, na magtataas sana sa kalidad ng buhay sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na reporma ng ekonomiya. Ipinapatay naman niya sa Kongreso ang panukalang ibaba ang masakit-sa-bulsang 32% income tax rate sa mga kumikita nang P500,000, na karaniwan na lang ngayon. Meron pang 11 panukala na ihinelera ng Kongreso pero nilabanan ng Malacañang. Nakaluklok kasi doon ang haciendero na walang habag para sa mamamayan, na para sa kanya’y mga sakada lang.