MATAPOS malutas ang problema nang malaking utang at pagkabankarote na iniwan ng nakaraang administrasyon ng Lungsod ng Maynila, tuluy-tuloy na ang mga proyektong ipinatutupad sa kapitolyo ng bansa na pakikinabangan ng mamamayan. Isa sa mga proyektong isinulong ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ay ang pagpapaganda ng Ospital ng Maynila, ang itinuturing na orihinal at flagship na pagamutan ng lungsod na nagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa Manileños.
Kasalukuyang sumasailalim sa malawakang pagsasaayos at pagkukumpuni ang Ospital ng Maynila na kauna-unahan sa 47 taong kasaysayan ng pagamutan. Ayon sa hospital director na si Dr. Edwin Perez, marami nang “sakit” ang gusali na kailangang ayusin lalo’t itinayo ito noon pang 1969.
Ipinagmamalaki ng pamunuan ng ospital na hindi magtatagal ay magkakaroon na ito ng kumpletong mga gamit upang mabilis at sapat na mapaglingkuran ang lahat ng mga pasyenteng pupunta rito. Pagbabahagi ng namamahala ng ospital, bago sinimulan ang pagsasaayos ay sadyang nakakalungkot ang kalagayan ng Ospital ng Maynila, kulang-kulang ang mga gamit at inalis ang mga pagsasanay na ibinibigay sa mga kawani nito, dahil sa ilang dekada ng maling pagpapatakbo at pagpapabaya ng mga nagdaang pinuno ng lokal na pamahalaan.
Sa unang pagkakataon, magkakaroon na ito ng kumpletong radiology unit na may digital X-ray, ultrasound, fluoroscopy, CT scan at MRI. Magkakaroon na rin ng kumpletong laboratory unit. Dahil ito ang tanging Level 3 hospital na may pinakamalawak na serbisyong medikal sa Maynila, ito na ang aalalay at magiging takbuhan ng mga pasyenteng mula sa lima pang pampublikong ospital ng lungsod.
Bilang doktor mahalaga ang pagkakaroon ng kumpletong mga kagamitan at instrumento upang maibigay sa mga pasyente ang pinamahusay na serbisyong nararapat sa kanila.
Isa pang mahalagang aspeto ng pagsasaayos ng ospital ay ang pagsusulong nito na magkaroon ng blood bank status na makakatulong nang malaki upang matugunan ang malaking pangangailangan sa dugo ng lungsod dahil na rin sa libreng Manila Dialysis Center.
Sa ngayon, unti-unting nang tinatapos ang pagpapaganda ng gusali at handa na ang ilang tanggapan nito. Inaasahan na ngayong taon ay bubuksan na ang pinaganda at kumpletong Ospital ng Maynila para sa Manileños.