NAGSIMULA na ang election period noong Linggo (Enero 10) na tatagal hanggang Hunyo 8, 2016. Sa loob ng panahong ‘yan mahigpit na ipagbabawal ang pagdadala ng baril upang masigurong mapayapa ang pagdaraos ng election sa Mayo. Tanging ang Presidente, Bise Presidente, mga senador, mga kongresista, miyembro ng Gabinete, justices at mga miyembro ng law enforcement agencies ang exempted sa pagdadala ng baril.
Maglalagay ng mga checkpoint ang Philippine National Police (PNP) batay sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec). Nilinaw ng Comelec na dapat masunod ang mga ipaiiral na patakaran para hindi malabag ang karapatan ng mamamayan. Nilinaw ng Comelec, dapat ang PNP checkpoint ay nasa maliwanag na lugar, may tamang signage, nakauniporme ang mga pulis at nakapuwesto nang maayos ang official vehicle ng pulisya.
Isa sa mga dapat tutukan ng Comelec ngayong nagsimula na ang election period ay ang agarang pag-aalis ng mga pulis na nagsisilbing bodyguard ng mga pulitiko partikular na ang mga mayor. Kadalasang may mga pulis na personal nang nagtatrabaho sa mga mayor. Kapag hindi naalis ang mga pulis na bodyguard, maaaring magkaroon nang karahasan. Kung ang kalaban ng mayor ay mayroon ding bodyguard, tiyak na magkakaroon ng barilan. Hindi magpapatalo ang magkalabang pulitiko at makikipagratratan. Magiging madugo ang eleksiyon kapag hindi natanggal sa poder ng pulitiko ang mga pulis.
Ngayon pa lamang i-reshuffle na hindi lamang ang mga pulis kundi pati ang kanilang hepe. Ilipat na agad sila bago pa man magkaroon ng karahasan. Tuwing may eleksiyon, lagi nang naghahanda ang mga pulitiko at kabilang diyan ang paghahanda ng kanilang sariling army. Huwag palampasin sa checkpoint ang mga armadong badigard ng pulitiko. Ipatupad nang parehas ang batas.