HINDI kailangang labagin ang batas para maipatupad ang batas.
May ilan kasing mga nagsasabi ng kani-kanilang opinyon, pananaw at pagbabakasakali.
Papaano raw kung manalo ‘yung isang presidentiable mula sa Davao. Baka daw kabi-kabila na ang mga patayan. Mangingibabaw na ang paglabag sa karapatang pantao o human rights ng marami.
Papaano daw kung ang mga nasa loob ng kulungan na mga nahuling kriminal biglang nagbago at naging mabuting tao? Papaano raw kung ang mga napatay ay napagkamalan lang?
Puro espekulasyon at pagbabakasakali.
Estilong pagbibigay ng hustisya ni Mayor Rudy Duterte ang kanilang tinutukoy. Hindi raw kailangang labagin ang batas para maipatupad ang batas. Tama.
Kung mayroon mang dapat gawin ang mga nangangalakal ng mga kaguluhang ito, dapat tingnan muna ang totoong dahilan ng problema.
Tingnan ang buong larawan hindi ‘yung sa iisang banda lang kung saan pabor sa kanilang sitwasyon sa buhay at kinatatayuan.
Magkaiba ang desperasyon ng mga salat sa mga pangangailangan at pagiging dismayado ng mga nakakasapat sa kaalaman at pangangailangan.
Hangga’t may kahirapan may krimen. Walang solusyon sa krimen dahil ayaw tingnan ng mga namumuno sa lipunan ang totoong ugat ng problema.
Mas marami ang desperado sa bansa. Ang tangi nilang naiisip na paraan para malamnan ang kumakalam na sikmura ay magnakaw o gumawa ng iba’t ibang krimen.
Kumpara sa mga sapat nagsasalita lang depende sa kanilang pananaw sa mga nakikita at hindi nararamdaman.
Hindi ako nag-eendorso. Ito ay pag-aanalisa lamang sa mga pangyayari at mga kaganapan.
Maging matalino. Mag-analisa.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00 – 11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com