IPINAGDASAL ko na hindi ito mangyari. May namatay na naman dahil sa ligaw na bala. Isang siyam na taong gulang na babae. Nangyari ang insidente malapit sa Ipo dam, Norzagaray, Bulacan. Tinamaan sa katawan ang bata. Hawak na ng otoridad ang bala, at inaalam kung sino ang may-ari ng baril.
Pero may mangyayari ba sa kasong ito? Hanggang ngayon ay hindi pa matukoy kung sino ang nagpaputok ng baril na pumatay kay Stephanie Nicole Ella noong Disyembre 2012. Hindi naman kumpleto ang datos ng PNP pagdating sa mga baril. Mga ligal na nakarehistro lamang ang nasa rekord ng PNP. Kung “loose firearm” ang ginamit ng salarin, baka hindi na malaman kung sino ang nagpaputok. Kaya siguro malakas ang loob ng salarin ay dahil wala namang rekord ang ginamit na baril para mahanap ng mga otoridad. Kaya dapat mga testigo ang makakatulong sa mga kasong ito. Nabanggit ko na dapat may insentibong pera para sa mga magtuturo ng mga nagpapaputok ng baril. Para magsilbing balakid at banta na rin sa mga pasaway. Kung malaki ang pabuya, tiyak na may mahuhuli.
At bakit ba mga bata ang laging nabibiktima ng mga ligaw na bala? Bakit ang mga inosente pa ang nadadamay, kung napakaraming masasamang tao naman sa mundo? Bakit kailangang pataas pa kung magpaputok ng baril? Dapat sa sarili na lang nakatutok, hindi ba? Kaya naniniwala ako na maraming hindi dapat humahawak ng baril. May mga iresponsable talaga na walang karapatang humawak ng baril. Ito ang dapat matukoy ng PNP. Kung tutulong ang lahat, malalaman kung sino ang mga ito.
Ilang oras na lamang at bagong taon na. Sana naman wala nang magpaputok ng baril, at walang masaktan, lalo na mamatay dahil sa ligaw na bala. Sana maging mapagbantay na rin ang lahat ng mamamayan para sa mga pasaway. Dapat matukoy, makasuhan at maparusahan ang mga ito. Mas ligtas ang Pasko at Bagong Taon kapag nakakulong na ang mga ito.