Trapik

NAGKABUHUL-BUHOL ang trapik sa Roxas Boulevard at Ma. Orosa Street, Ermita, Manila kahapon matapos dumagsa ang mga tao sa Luneta. Maraming pumasyal sa kinaroroonan ng dancing fountain at Rizal monument. Maging ang children playground ay puno rin na kahit may bayad. Sulit naman sa dami nang paglalaruan ang mga bata.

Ang Quirino Avenue naman ay nagkatrapik din dahil sa pagdagsa ng mga kababayan natin na nagmula sa iba’t ibang parte ng Metro Manila at lalawigan upang masamyo ang masangsang na amoy este masaksihan ang mga hayop sa Manila Zoo.

Ang Quezon City Circle sa Eliptical Road ay halos usad pagong ang paglalakad ng mga tao dahil sa mga tiyangge na inilatag ng mga maliliit nating negosyante.

Sa mga lugar na aking binanggit naging tradisyon na ito taun-taon na pasyalan dahil ito ang kaya ng bulsa ng ating mga kababayan. Naglalarawan ito na ang paghihirap sa bansa ay di-maikukubli sa buhol-buhol na trapiko sa Divisoria, EDSA at Baclaran lamang. Kasi nga mas uunahin ng ating mga kababayan ang pagbili ng mga pagkain at damit para sa kanilang pamilya kaysa sa mga laruan o aplliances dahil ito lang ang abot ng kanilang kinita sa buong taon. Kulang nga ba ang programa ng Aquino administration upang maisalba ang pagkagutom ng ating mga kababayan? Maaring kulang nga dahil 100 milyon na ang ating populasyon sa ngayon at karamihan sa mga pabrika ay nasa ibang bansa dahil mahal ang bayarin dito sa kuryente, tubig at labor. Puro tayo import ngunit katiting ang export kaya lalong lumulubo ang mga walang trabaho.  

Ngunit hindi ito batayan upang umasa na lamang tayo sa gobyerno mga suki dahil may mga tsansa pa naman na maiangat natin ang ating mga sarili at pamumuhay. Pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon, balik uli sa dati. Mararanasan muli ang pakikipagbuno sa matinding trapik sa EDSA at ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila. Kasi nga naging successful ang APEC. Ayon sa Malacanang, matututukan na ang mga small and medium enterprises (SMEs) na siya magbibigay oportunidad sa mga unemployed at underemployed sector. Dahil nakapokus ang pamahalaan sa  one stop employment shop.

Sa mga hindi nakakabatid, nilagdaan kamakailan ni Pres. Noynoy Aquino ang R.A. 1069 (Public Employment Service Law). Inamyendahan at pinalakas nito ang R.A. 8759 (Public Employment Service Office Act of 1991) na panukala ni Rep. Emmeline Aglipay-Villar. Layunin ng batas ang pagtala sa mga job vacancies mula pampubliko at pribadong sector sa peso offices na itatag ng LGU’s sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga malalayong siyudad, probinsiya at rehiyon.

Show comments