NANALASA ang Bagyong Nona, 11 araw bago ang Pasko. Sinalanta ang mga probinsiya sa Northern Samar, Bicol Region, Mimaropa at ilang probinsiya sa Central Luzon at nag-iwan ng 35 patay at pinsala sa ari-arian na umaabot sa P3.91 billion. Marami sa mga biktima ay nawalan ng bahay kaya nananatili sila sa evacuation centers. Hindi nila alam kung hanggang kailan sila sa evacuation centers pero ang tiyak, doon sila aabutin ng Pasko at baka pati ng Bagong Taon. Sa Northern Samar, tinatayang 270,000 pamilya ang nasira ang tahanan.
Naging kapansin-pansin sa mga nawasak na bahay ay may mga nakasabit na parol sa bintana. Mayroong nakunan ng larawan na isang bahay sa Pinamalayan, Oriental Mindoro na natuklap ang bubong subalit ang nakasabit na parol sa bintana ay nanatiling naroon. Nahubaran ng palamuti ang parol subalit hindi siya nagawang tangayin nang malakas na hangin. Sa kabila na limang beses nag-landfall ang Bagyong Nona sa Pinamalayan, hindi nito nagawang baklasin ang parol na nakabitin.
Umabot sa 60,000 pamilya sa Oriental Mindoro ang nawalan ng tahanan dahil sa Bagyong Nona. Sabi ng mga residente, ngayon lamang sila nakaranas nang napakalakas na bagyo na halos ayaw tumigil sa pagbayo. Sinimulan ng alas otso ng umaga at tumigil dakong alas dos ng hapon. Hindi raw nila inaasahan na ganoon kalakas ang bagyong darating sa kanilang lugar. Maraming nagsasabi na nasorpresa raw sila sa bangis ng bagyo at ang ilan ay hindi na nakapaghanda.
Sa kabila nang malaking pinsala na idinulot ng Bagyong Nona, nakangiti pa rin ang mga biktima ng bagyo. Sasalubungin pa rin nila ang Pasko na may luwag ng kalooban. Hindi magiging hadlang ang masaklap na naranasan para ipagdiwang ang kapanganakan ng Mananakop. Masaya pa rin ang Pasko kahit na binagyo.
Isang Maligaya at Mapayapang Pasko sa lahat!