CONGRATULATIONS kay Miss Universe 2015 winner na si Pia Alonzo Wurtzbach! Alam na ng lahat ang nangyari sa Miss Universe coronation night sa Las Vegas, USA. Ito na siguro ang pinaka-kakaibang Miss Universe coronation night sa kasaysayan ng paligsahan. Napansin ko kaagad nang basahin ni Steve Harvey na si Miss Columbia ang nanalo, tila may problema. Parang tuloy-tuloy lang ang tugtog, walang naglapitang mga ibang kalahok, at hindi rin siya pinasimula ng karaniwang paglakad sa entablado. Pero nakuha pang ilagay ang corona sa ulo ni Miss Columbia. Tapos biglang nagkomersyal. Pagbalik ng palabas, eto na ang pinakamalaking sorpresa sa buong mundo. Inamin ni Steve Harvey na nagkamali siya ng pagbasa, at si Pia Wurtzbach, ang Miss Philippines, ang bagong Miss Universe sa taong ito. Matapos ang higit apat na dekada, bumalik ang titulo sa bansa.
Ang unang reaksyon ng lahat ay tila hindi makapaniwala. Nang maging mas malinaw na si Pia na nga ang nanalo, dito na naghiyawan ang mga tao, partikular mga Pilipinong nanood sa Las Vegas para suportahan si Pia. Mga nagwagayway ng mga bandila, mga nagtalunan sa saya. Mas naging malinaw pa nang bawiin ang corona kay Miss Columbia at inilagay na sa ulo ni Pia Wurtzbach. Naawa rin ako kay Miss Columbia. Ilang emosyon ang naramdaman sa loob ng ilang minuto lamang. Pati si Pia ay hindi rin alam kung ano ang nangyayari sa umpisa. Ipinakita pa sa mga malalaking screen ang card kung saan nakasulat ang mga nanalo, para matanggal ang anumang duda sa lahat. Talagang nagkamali ng basa si Steve Harvey.
Kaya siyempre, ang biruan, ang batikos, ang galit, lahat patungo kay Steve Harvey. Hindi daw maintidihan kung bakit magkakamali ng ganyan kung sanay namang mag-host sa TV. Siya ang kasalukuyang host ng “Family Feud” sa Amerika. Agad namang humingi ng dispensa sa buong mundo sa pamamagitan ng social media para sa kanyang ginawang pagkakamali. Inako naman na kasalanan niya lahat. Pati kay Pia ay humingi ng dispensa. Pero siyempre pagpipistahan na muna siya ng lahat. Lilipas din iyan. Kung may kinabukasan pa siya sa pag-host ng Miss Universe, ewan ko lang.
Pero ngayon pa lang, tila may haharaping isyu si Pia pagbalik ng bansa. Ito ang reaksyon ng mga ilan diyan sa sagot niya hinggil sa panukalang base ng mga Amerikano sa bansa. Agad nagbigay ng masasamang reaksyon ang mga ito. Kung iyan ang opinyon ni Pia, bakit hindi na lang respetuhin? Dapat ba opinyon ng iba ang sinagot? Nagbigay ng karangalan sa bansa ang pagkapanalo ni Pia. Sasalubungin ba ng kilos-protesta mula sa mga may ayaw sa sagot niya kapag umuwi na siya ng Pilipinas?