MATAAS ang tingin natin sa Singapore. Maunlad, malinis, disiplinado ang mamamayan. Dahil na rin sa magandang ekonomiya at mabibigat na parusa para sa mga lumalabag sa batas. Kung ganun, dapat lang parusahan nang husto ang mag-asawang Singaporean para sa kanilang kalupitan sa kanilang kasambahay na Pilipino. Bago nakatakas si Thelma Oyasan Gawidan mula sa mag-asawang Lim Choon Hong at Chong Sui Foon, instant noodles lamang ang pinapakaian sa kanya ng higit isang taon. Dahil sa kakulangan ng nutrisyon, pumayat siya sa timbang na 29 na kilo. Sa mga hindi pa sanay sa timbang na kilo, nasa mga 64 pounds and katumbas niyan. Isipin na lang kung gaano kapayat si Gawidan. Mas mabigat pa ang pamangkin kong bata.
At hindi lang iyan. Ang kanyang tulugan ay isang imbakan, at wala sa tamang oras siya pinatutulog. Bukod pa diyan, isang beses lang sa isang linggo siya pinapayagang maligo. Guwardiyado pa nang husto si Gawidan, na tila isang bilanggo. Ano ba ang nasa isip ng mag-asawang ito? Na hindi tao ang kanilang kasambahay? Na mas mababa pa sa hayop? Mabuti na lang at nakatakas si Gawidan at nagtungo sa isang organisasyon, HOME, para humingi ng tulong. Inangat ng HOME ang kaso ni Gawidan sa Ministry of Manpower. Ngayon kinakasuhan na ang mag-asawa para sa paglabag sa Foreign Manpower Act na nagsasaad na responsibilidad ng mga amo ang alagaan nang maayos ang kanilang mga empleyado. Kung mahatulang may sala, isang taong pagkakulong at may multa na 10,000 Singapore dollars. Sa tingin ko dapat mas mabigat pa ang parusa at multa. Kilala ang Singapore para sa caning, o ang pamamalo gamit ang rattan na baston. Bakit hindi ito ang parusa sa kanila?
Ganito ang pinagdadaanan ng ilang mga kababayan natin na nagtitiis magtrabaho sa ibang bansa para lang sa kanilang pamilya. Mabuti na lang at umaksyon kaagad ang gobyerno ng Singapore. May mga bansa na tila kasalanan pa ng OFW kung bakit sila namaltrato, ginahasa o pinatay. Sinisikap ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mabigyan ng sapat na proteksiyon ang mga OFW. Pero hindi lahat ay mababantayan, lalo na kung itinatago pa na tila bilanggo, at hindi nakikipag-ugnayan nang maayos ang gobyerno ng bansa kung saan nagtatrabaho ang OFW. Sa kasong ito, mabuti na lang at tumulong ang gobyerno ng Singapore.