DAHIL papalapit na ang Pasko, kaliwa’t kanan na ang mga Christmas party. Kaya bago magsaya nang husto, may ilang payo lang na laging isaisip. Una na rito ay ang kalusugan. Masarap kumain.Walang argumento diyan. Lalo na sa panahon ng Pasko kung saan ang pagkain ay nasa sentro ng kultura nating mga Pilipino, madaling makalimutan na kapag hindi nag-ingat at pinabayaan ang sarili na kumain, kahit alam na bawal para sa ilan, may kabayaran ito na hindi maganda.
Ayon sa datos ng ilang ospital, bahagyang tumataas ang bilang ng mga itinatakbo sa emergency room sa panahon ng Pasko. Marami ang may high blood, diabetes, pagbara sa mga ugat ng puso at kung saang bahagi pa ng katawan. Napakadaling makalimutan, kapag nagkakasarapan na, na masama ang sobrang mantika, maalat at matatamis na pagkain. Lahat na iyan ay nagpapasama lang ng mga kundisyon na nagaganap na sa ating mga katawan. Sobrang mantika, high blood at pagbara ng mga ugat ang resulta. Sobrang alat, high blood rin at masama sa bato. At sobrang asukal, diabetes na pwedeng magdulot ng napakaraming malulubhang sakit. Ang pagbara ng mga ugat ay maaaring mauwi sa atake sa puso o stroke sa utak. Walang may gusto niyan, lalo na itong kapaskuhan kung saan lahat ang nagsasaya.
Pangalawa, ito rin ang panahon kung saan hindi napipigilan ng iba ang sobrang kalasingan. Kapag nagkakasarapan na, wala nang preno sa pag-inom ng alak. Ang peligro rito ay kapag pauwi na. Dito nagaganap ang mga masasamang aksidente. Ngayon pa lang ay may mga aksidente kung saan lasing ang pasimunong drayber. Mga galing ng mga Christmas party na pauwi na pero ubod na ng lasing.
Wala namang masama sa pagsasaya, na likas na sa ating mga Pilipino sa panahong ito. Ang Pilipinas nga ang may pinakamahabang panahon ng kapaskuhan. Kailangan lang ay mag-ingat at tandaan na may kabayaran ang pagiging pabaya. Ang ilang gabing pagsasaya ay baka mauwi sa mas mahabang pagsisisi.