NAGSALITA na ang ISIS. Ayon sa militanteng grupo, ang mag-asawang Syed Farook at Tashfeen Malik na namaril sa San Bernardino, California kung saan 14 ang napatay at marami pang sugatan ay mga tagasunod nila. Isang “act of terrorism” na ang takbo ng imbistigasyon ng FBI sa pangyayari, lalo na’t nagsalita na ang ISIS. Pero hindi pa matiyak kung ang ISIS ang nasa likod mismo ng plano ng mag-asawa. Ayon sa FBI, ang dalawa ay hindi nila binabantayan dahil wala namang kasaysayan ng pagiging militante. Wala ring ebidensiya na sila ay nakikipag-usap o nakikipag-ugnayan sa mga kilalang militanteng organisasyon.
Hindi nga makapaniwala ang mga kamag-anak ng mag-asawa na magagawa nila ang pagpatay sa mga inosenteng sibilyan, mga kasama pa nila sa trabaho. May mga nagsasabi na may nakasagutan daw ang lalaki na ka-opisina niya hinggil sa pagiging Muslim, kaya nagalit at ginawa nga ang pamamaril. Pero maraming nadiskubre ang mga opisyal na tila hindi ito ang dahilan. Mas masama pa.
Nadiskubre sa sasakyan at tahanan ng mag-asawa ang sari-saring baril, libu-libong bala at ilang mga bomba na planong gamitin. Ang kanilang suot din ay karaniwang sinusuot ng mga pulis o sundalo kapag may operasyon. Lahat nagtuturo na planado ang ginawang pamamaril, at plano pang pasabugin ang gusali at kung ano pang istraktura. Kung biglaang nagalit lang ay hindi makikita ang mga bagay na ito. Lumalabas na buwan ang inabot sa pagplano nitong karahasan. Naghintay na lang ng tamang pagkakataon. Katulad niyan, may party kung saan maraming dumalo.
Patuloy ang imbestigasyon. Inaalam kung nakipag-ugnayan sa ibang grupo o tao, na may parehong plano. Tila mas peligroso nga ang ganitong klaseng mga terorista. Mga hindi naman binabantayan dahil walang masama o kaduda-dudang kasaysayan na bigla na lang gagawa ng ganitong karahasan. May balita ngayon na nakita daw sa Facebook ng babae ang panunumpa niya sa isang kilalang pinuno ng ISIS. Kung ganun, bakit hindi ito inimbestigahan kaagad? Pinababayaan na lang ba ng Facebook ang mga ganitong klaseng post? Panahon na ba para makipag-ugnayan ang social media sa mga otoridad para labanan ang terorismo?