EDITORYAL – Patindi nang patindi ang trapik sa Metro Manila

DATI, dalawang oras lang ang nasasayang sa trapik kung magbibiyahe mula Trinoma, Quezon­ City via EDSA patungong Makati City, pero nga­yon, inaabot na ng tatlong oras. Kahapon, grabeng trapik na naman ang naranasan ng mamamayan sapagkat hindi na gumagalaw ang trapik mula Quezon Avenue patungong Cubao. Nakatukod na mula Cubao hanggang Ortigas at mula roon ay nagmistulang parking na patungong Guadalupe.

Mas matindi ang nararanasan ng mga pasaherong nagtutungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sapagkat mula Terminal 1 patungong Terminal 3 ay inaabot ng dalawa hanggang tatlong oras. Nagpatindi sa trapik ang construction ng Skyway sa nasabing lugar. Itinuturo naman ang kabi-kabilang sale sa mga mall na dahilan nang grabeng trapik sa EDSA.

At habang patindi nang patindi ang trapik tila tumatamlay naman ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa paglinis sa mga sagabal sa kalsada. Pero sabi ng MMDA, hindi raw sila tumitigil para mapaluwag ang trapik. Hindi raw sila titigil hangga’t hindi nawawalis ang mga sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada na nagdudulot nang grabeng pagsisikip ng trapiko. Determinado umano sila at hindi natatakot kahit isang kasamahan nila ang binaril ng sekyu nang magkaroon ng clearing operations noong naka­raang buwan. Isa sa mga tinamaan ng operation ay ang motorsiklo ng sekyu na nakaparada sa tapat ng bankong binabantayan.

Lahat daw nang nakakasikip ay kanilang gigi­bain maski na mga tindahan o karinderya na nasa gitna na ng kalye. Kaya raw may pagsisikip ay dahil sa mga nakaharang na ito. Lagi raw nilang babantayan ang mga nilinis nilang kalsada kaya hindi na makakabalik ang mga pasaway.

Nararapat magtulungan ang MMDA at Highway Patrol Group (HPG) sa kampanya para maalis ang mga sagabal sa kalsada lalo na sa Mabuhay Lanes. Kung ang mga nakaparadang sasakyan at mga karinderya ay kanilang inaalis sa kalsada, alisin na rin nila ang mga basketbolan at mga negosyong car wash na inuukopa ang kalsada. Lahat nang humahadlang at nagpapasikip sa trapiko ay alisin.

Show comments