LABING-APAT ang patay, 17 ang sugatan sa pinakabagong insidente ng pamamaril sa US noong Miyerkules. Ang mag-asawang Syed Rizwan Farook at Tashfeen Malik ang pinangalanan ng mga otoridad na namaril sa isang salu-salo sa San Bernardino, California. Pareho silang Muslim. Si Syed Rizwan Farook ay nagtatrabaho sa Inland Regional Center, isang pasilidad para sa mga developmentally disabled. Limang taon na siyang nagtatrabaho roon. Kaya hindi pa alam kung bakit ginawa nila ang pamamaril sa kanilang kaopisina.
Tumakas ang mag-asawa matapos mamaril sa pasilidad. Pero natagpuan din sila ng mga otoridad na agad rumesponde sa insidente. Nakipagbarilan sa mga pulis, kung saan napatay silang dalawa. Natagpuan sa kanilang sasakyan ang sari-sa-ring baril na legal naman daw binili. May nakita ring remote control, na gagamitin umano sa tatlong bomba na iniwan sa pasilidad. Mabuti na lang at hindi pumutok ang mga ito. Napansin rin na nakasuot sila ng “assault-style” na pananamit, tila ebidensiya na pinaghandaan at planado ang ginawang krimen. Pero walang kamalay-malay ang mga kamag-anak ng dalawang namaril kung bakit nila ginawa ang pagpatay ng mga inosenteng sibilyan. Hindi na ako nagtataka. Kung planado nila ang krimen, hindi nila ipapahalata kaninoman ang masamang hangarin.
Ano naman kaya ang dahilan nitong pina-kabagong pamamaril ng mga inosenteng sibilyan? Tila karaniwang pangyayari na ito sa Amerika, kung saan napakadaling bumili ng baril, kahit ilan pa ang gusto mo. Sa taong ito, 355 na ang naitalang insidente ng pamamaril sa US. Sigurado iinit na naman ang debate hinggil sa gun control na isinusulong ni Pres. Barack Obama na kinokontra naman ng mga mahihilig sa baril. Nasa saligang batas ng US na may karapatan ang mamamayan na magmay-ari ng baril.
Napatay ang dalawang suspek. Pero ilan pa sa US ang may pananaw tulad nila, na naghihintay lamang ng tamang panahon? Ilan pa ang nag-iipon ng baril at bala, kasama na ang mga gawa-gawang bomba para gamitin sa mga inosenteng mamamayan? Hindi mala-yong isipin na hindi ito ang huling insidente sa US, ang bansa na may milyun-milyong baril sa sirkulasyon.