KATARANTADUHAN ang pagsasayang ng panahon ng Commission on Elections (Comelec) at Senate Electoral Tribunal (SET) sa mga kaso ni Senator Grace Poe.
Hinggil ito sa disqualification cases na isinampa laban sa senadora sa kanyang mga kwalipikasyon sa pagtakbo sa pagka-pangulo sa 2016. Andami-dami pang proseso ng pagdinig na nalalaman ang Comelec at SET pero sa huli hindi rin naman gagamiting batayan.
Hindi pa rin ito ang pinal na desisyon dahil ang masusunod hatol at desisyon pa rin ng kataas-taasang hukuman. Kaya sa halip na magbigay-linaw sa publiko, ang Comelec at SET pa tuloy ang nagdudulot ngayon ng mga kalituhan at kaguluhan. Sasawsawan pa ng kung sino-sinong personalidad na bumubula rin ang bibig sa kanilang tiglilima-singkong opinyon.
Tulad ng sinabi ni Senate President Franklin Drilon, dapat idiretso na lang ang pagdinig ng disqualification case laban kay Grace Poe sa Korte Suprema. Hindi ‘yung pinagkukumpulan pa ng Comelec at SET na gusto lang yatang pumapel at maging laman ng balita. Kung tutuusin, wala rin namang patutunguhan ang kanilang mga pinaggagawa.
Sa unang inilabas na desisyon ng SET maraming nagsasabing nahaluan ito ng pulitika sa halip na ang mangibabaw ay ang Konstitusyon. Limang senador na miyembro ng SET ang pumabor kay Poe habang ang mismong tatlong husgado ng Supreme Court at isa pang senador, hindi pumabor.
Habang tumatagal ang kaso sa Comelec at SET, lalo lang natu-tsubibo ang buong bansa. Tutal Korte Suprema rin naman ang magdedesisyun, dapat diretso na sa kanilang sala ang kaso habang may panahon pa.
Hindi ‘yung saka lang magkakandaugaga ang buong bansa lalo na ang Comelec kapag malapit na ang eleksyon kung isasama ba o hindi na ang pangalan ni Grace Poe sa balota. Saka lang na naman nila mamadaliin at bibigyan ng pressure ang SC para sa pinal na desison. Kung kay Drilon pa, dapat wala daw silang christmas break.
Hindi lang si Grace Poe ang bwisit sa kontrobersiyang pilit na tinatarantado ng Comelec at SET kundi pati na ang mga ‘boss.’
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.