SINUSPINDE ng Supreme Court (SC) ang “no bio, no boto” na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec). Dahil dito, marami ang nakahinga nang maluwag. Maaari na silang makaboto na hindi kailangan ang biometrics data.
Agad namang nagpaliwanag ang Comelec, ipinatupad nila ang “no bio, no boto” para raw mapigilan ang flying voters. Ito ay para maging ganap at malinis na 2016 elections.
Salamat at nagpasya agad ang SC bago pa man sumapit ang 2016 elections. Tiyak na maraming botante ang mae-exercise ang kanilang karapatan.
Kinatigan ng SC ang Kabataan party-list, petitioner kontra sa “no bio, no boto”, sapagkat labag ito sa Saligang Batas. Ayon sa Kabataan party-list dahil sa patakarang pinatutupad ng Comelec, mawawalan ng karapatang bomoto ang may tatlong milyong botante dahil wala silang biometrics.
Nilalabag umano ng Comelec ang nakasaad sa Article V, Sec. 1 ng 1987 Constitution na wala dapat iimposed o ipakukuhang requirements sa mamamayan para ma-exercised niya ang pagboto. Ibig sabihin, hindi dapat inoobliga ang mamamayan o botante na may kaugnayan sa pagboto.
Bukod sa inihaing petisyon sa “no bio, no boto”, isinampa rin ng Kabataan party-list ang kanilang petisyon sa maagang deadline ng registration ng mga botante. Natapos ang registration noong Oktubre 31 na ayon sa mga petisyoner ay masyadong maaga. Kailangan daw ma-extend hanggang Enero 8, 2016 ang registration. Nakasaad daw sa batas na ihihinto lamang ang registration kung 120 araw (apat na buwan) bago ang election.
Marami maling hakbang ang Comelec at dapat lamang na mabusisi. Kung hindi kumilos ang Kabataan party-list, magpapatuloy ang pagpapatupad ng kanilang patakaran na lumalabag sa karapatan ng botante. Dapat mabantayan ang Comelec at baka meron pa silang mga bagong patakaran na pilit ipasusunod at ipaggigiitan.