MAGPAPAHIRAM ng dalawang bilyong dolyar ang Japan sa bansa, para sa paggawa ng tren na babaybay mula Tutuban station sa Manila hanggang Malolos, Bulacan. Talumpu’t anim na kilometro ang haba ng riles na ilalatag. Matagal nang plano ng bansa ang maglagay ng tren mula Metro Manila hanggang Clark sa Pampanga. Ito ay para mapakinabangan din ang malaking paliparan sa Clark, at mabawasan ang mga gumagamit ng tatlong terminal ng NAIA.
Pero dahil sa mga anomalyang nasiwalat, kinansela ng administrasyong Aquino ang kontrata dahil masyadong dehado ang gobyerno, at baon sa katiwalian. Isang kumpanya sa China sana ang gagawa ng proyekto, na popondohan din ng isang banko sa China. Walang nangyari sa proyekto. Ngayon, ang Japan naman ang magpapahiram ng pera para tuluyan nang masimulan ang proyekto. Ang unang bahagi ng proyekto ay ang nabanggit nang distansya, pero nasa plano pa rin na ituloy ang riles hanggang Clark. Dahil ang Japan na ang magbabantay ng proyekto, inaasahan na matutuloy na nga ito. Pero magiging matagumpay lang ang proyekto kung malinis din ang gobyernong kausap ng Japan. Walang nangyari sa Northrail dahil kumita muna ang ilang opisyal ng gobyerno, na tila kinunsinti rin ng China.
Kailangan ng bansa ng mga tren tulad ng pinaplanong North-South Commuter Rail Project. Ito na ang bagong pangalan dahil sa masamang kasaysayan ng dating pangalan, Northrail. Halos lahat nang mayayamang bansa ay may malawak na sistema ng tren na bumabaybay sa maraming lugar. Mga modernong tren na mas mabilis pa sa ilang eroplano. Kilalang-kilala ang Shinkansen o “Bullet Train” ng Japan, ang TGV ng France, AGV ng Italy at Velaro ng Spain. Lahat tumatakbo ng higit 300 kilometro kada oras. Isipin na lang kung may ganyang klaseng tren sa bansa, napakalapit na ng Clark sa Maynila.
Pero sana ayusin din nang husto ang MRT at LRT, mga nauna nang pampasaherong tren sa Metro Manila. Kung maayos lang ang mga tren na ito, malaking tulong sa mga mamamayang walang sasakyan. Inaasahan na magiging maayos na ang MRT at LRT sa mga susunod na buwan. Sana. Kung ipahawak na rin kaya sa mga Hapones?