Laganap na terorismo

NAGLABAS ng abiso ang Palasyo sa mamamayan. Iwasan na muna ang mga mataong lugar tulad ng malls, habang nagsisigawa ng mga operasyon ang militar laban­ sa mga terorista tulad ng Abu Sayyaf. Pinaigting ng gobyerno ang operasyon laban sa mga terorista sa kabila ng pagpugot sa isang Malaysian na bihag ng Abu Sayyaf­. Ginawa ang pagpugot habang nagaganap ang APEC summit sa bansa, kung saan dumalo si Malaysian Prime Minister Najib Razak.

Aktibo nga muli ang terorismo sa buong mundo. Ang madugong pag-atake sa Paris kung saan higit 100 ang namatay at higit 300 ang sugatan, ang pagbagsak ng eroplanong pampasahero ng Russia na kumpirmadong gawa ng mga terorista, ang pag-atake sa isang hotel sa Mali. ISIS ang umangkin sa mga atakeng ito, kaya naman kumilos na ang France at Russia para durugin na ang teroristang organisasyon. Binobomba ang mga hinihinalang taguan at kampo ng ISIS sa Syria. Pero kung talagang gustong ubusin ang ISIS, hindi ito magagawa ng pagbomba mula sa himpapawid ng kanilang mga taguan at kampo. Kaila­ngang hanapin at habulin ng mga sundalo.

Naglabas na rin ng “worldwide travel alert” ang Amerika sa lahat ng kanilang mamamayan sa kabila ng mga naganap na insidente ng terorismo. Iwasang bumiyahe sa mga kilalang lugar kung saan aktibo ang mga terorista. Baka kasama na naman tayo sa listahan na iyan. May impormasyon na magpapatuloy ang mga aktibidad ng mga tero­rista, bilang sagot rin sa kasalukuyang pag-atake sa kanila. Tuloy-tuloy ang paghahanap ng France sa mga sangkot sa mga atake sa Paris. Umabot na nga sila sa Belgium.

Dito sa atin, patuloy ang mga operasyon ng militar para hanapin ang mga kriminal na pumatay sa bihag na Malaysian. Hindi na dapat tumitigil ang militar hanggang maubos na ang Abu Sayyaf. Ang buong mundo ay kumikilos na para masugpo ang ISIS at ano pang mga teroristang grupo tulad ng Al Qaeda at Boko Haram. Ang mahirap ay patuloy na tumatanggap ng pondo at ayuda ang mga grupong ito mula sa mga bansang naniniwala sa kanilang ginagawa. Bukod sa masugpo ang mga grupo, dapat maputol na rin ang mga namomondo ng tero­rismo.

Show comments