Hindi maikakaila

TALAGA namang nagmitsa ng katakut takot na haka-haka ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa kaso ni Senadora Grace Poe. Madaling malito sa mukha ng iba’t ibang opinyon at katwiran. Subalit may mga bagay na hindi maitatatwa. Heto ang mga hindi maikakailang katotohanan: (1) Ang desisyon ng SET ay natural born Filipino si Sen. Grace at, samakatuwid, kuwalipikado siyang maging kandidata sa pagiging Senadora; (2) Ayon sa Saligang Batas, ang SET ang tanging hukom ng kuwalipikasyon ng mga nanalong senador.

Sa kabila nito ay marami sa mga kalaban ng Senadora ang tila nakakahanap ng ginhawa sa nagkaisang desisyon ng tatlong mahistradong miyembro ng SET na itinuturing hindi daw natural born Filipino si Senadore Grace. Para bang sigurado na itong senyales na ang 12 pang ibang miyembro ng Supreme Court ay kapwa ganoon din ang opinyon at siguradong babaliktarin ang SET.

Siyempre, hindi lahat ng nakikipagtalo sa ganitong mga debate ay maituturing na dalubhasa ng batas. Karamihan ng Pilipino ay pawang mga natapos lang ng high school o college at hindi naman inabot ang mataas na lebel ng edukasyong taglay ng mga mahistrado. Kaya hindi naman lahat ay makakaintindi ng mga malalim na prinsipyo ng batas na naging batayan ng opinyon ng mga mahistrado. Pati nga mga abogado ay hindi magkaisa. Pero iyon nga ang punto ng Saligang Batas sa pagtatag ng SET -- hindi nito inasahan na boto ng mga dalubhasang mahistrado ang awtomatikong tama. Maari ring manaig ang boto ng mayoryang senador na hindi naman abogado -- hindi ito nangangahulugang mali ang katwiran nito.

Ano man ang masalimuot na sentro ng desisyon ng SET, hindi maaring ipilit na mas tama ang panig ng mga mahistrado -- kahit minorya sila -- dahil lamang mas marunong sila sa batas. Sa huli, ang desisyon ng SET bilang isang constitutional body ang mas matimbang at ang desisyong iyan ay inabot sa pamamagitan ng pagbilang ng nakakaraming opinyon at hindi sa tanong ng kung kaninong paniwala ang mas tama.

Show comments