Buwelo

KUNG nagtimpi si President Aquino hinggil sa isyu ng pag-aangkin ng China sa Spratlys bilang punong-abala noong APEC, at pagrespeto na rin sa pagiging bisita ni Pres. Xi Jinping sa bansa, hindi na ganito nang magtungo sa ASEAN summit sa Kuala Lumpur, Malaysia. Sa bawat pagkakataon, binatikos niya ang isinasagawang reklamasyon ng China sa karagatan. Hinikayat niya ang lahat ng miyembro ng ASEAN na huwag payagan ang China na idaan sa karahasan ang pag-aangkin sa mga isla. Nanawagan siya muli sa China na itigil na ang reklamasyon sa karagatan, kung saan may mga runway at malalaking gusali na malinaw na magagamit ng kanilang militar.

Sa katatapos lang na APEC summit sa Manila, maganda ang natanggap na suporta ng bansa sa ginawang pag-angat ng isyu sa United Nations. Marami ang sumang-ayon sa ganitong pamamaraan para magkaroon ng solusyon ang isyu, partikular ang Amerika. Lumakas rin ang relasyon ng Pilipinas sa mga bansa na may isyu rin sa Spratlys tulad ng Vietnam, Brunei, Malaysia, at Taiwan, pati ang Japan na may sariling isyu rin sa China sa hinggil sa teritoryo. Kaya nagkaroon ng magandang buwelo, ika nga, ang bansa para mas lalong idiin ang isyu ng paghinto sa reklamasyon.

Nakatulong rin sa bansa ang desisyon ng UN hinggil sa hurisdiksyon ng isyu, kung saan walang planong makibahagi ang China. Matutuloy pa rin ang pagdinig sa kaso kahit hindi makibahagi ang China. Kaya nagsalita si Pres. Barack Obama na dapat sumunod sa lahat at irespeto ang desisyon ng UN.

Inaasahan natin na magiging maanghang ang mga susunod na pahayag ng China hinggil sa isyu. Lalo na’t ipagpapatuloy ng Amerika ang paglayag at paglipad sa mga alam na “international waters at airspace”, bilang panigurado na malaya ang paglayag at paglipad sa nasabing lugar. Tila nag-iisa na ang China sa isyung ito. At dahil dito, kailangan na rin maging maingat at baka idaan na nga sa hindi magandang paraan ang pag-aangkin ng karagatan, sa halip ng pahayag ni Xi Jinping na hindi militarisahin ang karagatan. Pero bakit may coast guard na barko ng China malapit sa Pag-asa island noong panahon ng APEC, na nanatili ng siyam na araw?

Show comments