NIRETRATUHAN ng mga kawatang NAIA security screeners .45-caliber bullet na nadiskubre kuno nila sa bag ni Nanay Gloria Ortinez. Pero ang prinesentang ebidensiya ng pulis ay mas payat at mas maikling .22-caliber ammo. Hanggang ngayon ay hindi nila maipakita ang x-ray footages ng pagkahuli umano kay Ortinez na may bala sa bag.
Isa pang lumantad si Marie Paz Trias. Nakauwi na siya mula sa pagsama sa ina, tiyo, at maysakit na lola sa Singapore nang magtungo sa NBI para mag-complain sa sinapit sa NAIA. Tumanggi siya sa pamimilit ng dalawang security screeners na amining may bala sa bag. Tumanggi rin siya sa paramdam ng supervisor na aregluhin na lang -- ibig sabihin magsuhol -- para pasakayin sa flight. Nang mapansing handa siyang magpaiwan sa airport, pinapirma siya sa logbook na kesyo umaamin na anting-anting ang nakuha sa kanya. Relihiyosa si Marie Paz kaya hindi matanggap itong pagpilit magsinungaling na merong anting-anting.
Ganundin si American missionary Lane Michael White. Ayaw niya akuin na sa kanya ang bala sa bag, dahil hindi ‘yun totoo. Ayaw din niya magsuhol ng P30,000 na hinihingi ng mga tiwaling screeners dahil masama ‘yon. Dahil du’n ikinulong siya nang isang linggo.
Lumitaw din si “Manuel,” isang dating security screener, para ibunyag ang modus operandi ng mga dating kasamahan. Praktisado raw ang mga tiwali sa pagtatanim-bala, habang nakaipit lang ito sa mga daliri. Ang mga karaniwang pinipili nilang biktimahin ay mga Hapon dahil matahimik kumpara sa mga Koreano na lumalaban, at matatanda na ayaw ng gulo kaysa bata na may sigla na kumontra.
Tiyak marami pang ibang biktima na lalantad at magkukuwento.
Nakakahiya para sa bansa na merong extortionists sa NAIA. Mas nakakahiya na si P-Noy mismo at si Roxas na nais pumalit, mga kapartidong Sec. Abaya at NAIA GM Honrado, at tauhang OTS chief Recomono at Avsegroup chief Balagtas ay nagmamaang-maangan pa.