SA isang linggo na ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit, at kapansin-pansin na wala nang mga pulubi, mga batang hamog at mga palaboy sa kalye. Dati, maraming pulubi at palaboy sa Baywalk sa kahabaan ng Roxas Blvd., Taft Avenue, EDSA, Tramo at iba pang malalaking kalsada sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pero ngayon, naglaho silang parang bula. Pati ang mga kumakatok sa mga bintana ng sasakyan para mamalimos ay nawala rin. Bigla ring nawala ang mga pamilyang nakatira sa kariton at mga nasa waiting shed at ilalim ng flyover.
Inamin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na binigyan nila ng P4,000 cash ang mga pamilyang nakatira sa bangketa para humanap ng ibang matitirahan. Pati ang mga vendor sa kahabaan ng Roxas Blvd. ay pinaalis din daw makaraang bigyan ng cash. Ang mga batang umaakyat sa dyipni at namamalimos ay pinagdadampot umano ng mga pulis at mga tauhan ng DSWD at dinala sa kanilang tanggapan para doon mamalagi.
Ang ganitong senaryo ay walang pinagkaiba nang dumalaw si Pope Francis noong nakaraang Enero. Pinagdadampot ang mga pulubi at mga nanlilimahid na bata at dinala sa isang resort sa Batangas at doon pinakain, binihisan, pinasaya sa pamamagitan ng kung anu-anong programa at games. Inamin ito mismo ng DSWD.
Nang makaalis na ang Papa, muling hinakot sa Metro Manila ang mga pulubi at bata. Balik-kalye uli sila at gumawa ng masisilungan sa Baywalk, sa island sa ilalim ng LRT sa Rizal Avenue, flyover at maski sa ilalim ng mga puno malapit sa Rizal Park. Mayroon pang sa center island mismo naglagay ng mga sira-sirang sako at doon na naninirahan. Doon na rin sila dumudumi kaya umaalingasaw sa baho.
Ganito rin ang mangyayari pagkatapos ng APEC summit. Walang pagkakaiba sa mga nakaraan. Paulit-ulit lang. Kapag may malaking event o dadalaw ng mga head of states sa bansa, itatago ang mga pulubi. Nakakasawa na. Hindi ba makagagawa nang pangmatagalang solusyon ang DSWD sa problemang ito? Patapal-tapal na lang ba ang kaya?