LUBOS na ikinagalak ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasabatas ng kanyang inakdang panukala hinggil sa mas pinalawak na Public Employment Service Office (PESO).
Noong Oktubre 26 ay pinirmahan na ni President Aquino ang Republic Act 10691 upang mas pagtibayin ang PESO Act of 1999 at bigyang linaw ang mandato at papel ng mga local government units, ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga non-government organizations sa pagpapatakbo ng mga PESO.
Ang PESO ang tanggapan ng pamahalaan na direktang umaalalay sa ating mga kababayan na naghahanap ng trabaho at pagkakakitaan. Ang PESO ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng mga walang trabaho at mga kum-panyang naghahanap ng mga empleyado.
Ayon kay Jinggoy, inaasahan na ang pagpapatatag at pagpapalawak ng mga PESO ay makakatulong nang malaki upang mabigyan ng trabaho ang ating mga kababayan, lalo na iyong mga wala sa lungsod, at epektibong mapababa ang bilang ng mga unemployed at mga mahihirap.
Sa ilalim ng RA 10691, itatayo na ang mga PESO sa lahat ng mga probinsiya, siyudad at munisipyo sa buong bansa, na dati ay sa mga pangunahing lungsod, kabisera ng probinsya at piling siyudad lamang makikita.
Inaasahan din na matutugunan ng bagong batas ang problema ng kakulangan ng pondo para sa operasyon ng PESO na pumipigil noon sa mas epektibo at mahusay na pagganap nito sa kanyang mandato. Sa ilalim ng bagong batas, patatakbuhin ito ng LGUs at iuugnay naman sa central office ng DOLE upang magsilbing national employment service network.
Itinatakda ng RA 10691, ang mga kompanya ay regular na magsusumite ng job vacancies sa PESO na maaaring pasukan ng mga manggagawa. Dagdag dito, iuulat din ng mga kumpanya ang inaasahan nilang uri at bilang ng mga trabahong kakailangan nila sa susunod na limang taon na siya namang gagamitin ng PESO para sa job matching at career guidance sa mga mag-aaral.
Bukod dito, magsisilbing tulay din ang PESO sa mga kababayan nating gustong magnegosyo at ilalapit nito ang sa kanila ang mga programang pangkabuhayan ng pamahalaan at mga NGOs sa kanilang nasasakupan.
Bubuksan din ng mas pinalakas na PESO ang mga programa gaya ng employability enhancement trainings, occupational counseling and guidance, pre-employment orientation for local and overseas workers, reintegration services for overseas Filipino workers, at iba pa.