Register now!

Heroic. Ganyan ang paglarawan sa mga hakbang ng Comelec, sa ilalim ng liderato ni Chairman Andres Donato Bautista, upang masiguro na ang ating mga botante ay masailalim sa kanilang biometric processes para sa mas maayos na eleksyon. Ginawang mas madali at maginhawa para sa karaniwang mamamayan ang registration expe­rience. Imbes na magtungo ka pa sa napakalayong mga opisina ng Comelec na napaka-iinit din, inilapit na lang sa tao ang mga Comelec teams at sa airconditioned malls pa ginanap. Mayroon ding mga bisita ng Comelec registration teams mismo sa mga paaralan para masakop ang mga kabataang excited ding gamitin ang prankisa ng pagboto. Tulad kunwari ng sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na pawang mga Manilenyo ang istudyante, binisita ng Comelec team na nagtayo ng anim na iba’t ibang istasyon para sa mga botante ng anim na distrito ng Maynila.

Sa kabila nito ay libu-libo pa rin sa ating mga kababayan ang hindi pa rin nakakapagparehistro. Ang halalan sa Mayo ay ang pinakamahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas. Nagbabago na ang mundong kinagagalawan ng ating bansa. Ang mga dating international issue sa larangan ng ekonomiya at seguridad na inaasahang mapagmamasdan lang natin mula sa malayo ay hindi lang lumalapit ng paunti unti. Kung tutuusin ay nandito na at nakapasok na mismo sa ating katotohanan. Itong Nobyembre ay host tayo ng APEC leaders, kasama na ang USA, Japan at Russia; sa Disyembre ay aasahan ang integration ng ASEAN market; habang nangyayari ito ay patuloy na nagmamatigas ang China sa mga kilos nito para angkinin ang mga propriedad na matagal nang kinilalang atin. Ito ang mamanahing realidad ng pipiliin nating mga lider sa Mayo. Kaya mahalagang magkaroon tayo ng pagkakataong makapamili ng wasto. Mangyayari lamang ito kung tayo ay siguradong mapapabilang sa mga may pribilehiyong bumoto.

Hanggang bukas na lang ang deadline. Huwag nang mag-atubili. Register now!

Show comments