MATAGAL na dapat ipinatupad ito. Simula Nobyembre 9, magiging mahigpit na raw ang LTO sa pagbigay ng lisensiya sa mga drayber ng sasakyan. Magiging mahigpit daw sa requirements, tulad ng mga student permit bago mabigyan ng non-pro na lisensiya. Kung professional na lisensya naman ang kailangan, tulad ng mga drayber ng pampublikong sasakyan, dapat may anim na buwan o isang taon nang may non-pro na lisensiya bago bigyan ng professional.
Magiging mahigpit na rin daw ang LTO sa pagbigay ng mga lisensya sa mga drayber na sinita na ng higit dalawang beses. Kapag madalas mahuli, baka hindi na makapag-renew ng isang taon, o kailangang dumaan sa mga seminar. Kung walang huli ang drayber, maaaring gawing limang taon ang bisa ng lisensya kumpara sa tatlong taon na ibinibigay ngayon ng LTO, bilang insentibo na maging maingat na drayber.
Sa totoo lang, kung talagang gustong malaman ng LTO kung sino ang mga karapat-dapat bigyan ng lisensiya, gawing mahigpit ang kanilang written exam. Dito kasi pumapasok ang katiwalian. Maraming drayber ang nakakalusot sa written exam dahil binabayaran na lang para makapasa. Kaya maraming drayber ang hindi naman talaga alam ang mga ibig sabihin ng mga karatula at simbolo sa kalsada, dahil hindi naman pinag-aralan. Kung magiging mahigpit ang LTO, sigurado ako higit kalahati ng bilang ng mga drayber ng pampublikong sasakyan ang hindi papasa o walang karapatang magmaneho ng sasakyan.
Maraming kailangang ayusin ang LTO. Katulad din ng mga kumuha ng lisensya o nag-renew. Hanggang ngayon ay wala pa sila ng credit card type na lisensya, at papel pa lang ang hawak. Bakit? Wala bang materyales para makagawa ng lisensiya? Tumakbo na ba ang supplier? May milagrong kailangang pagtakpan muna? Ganundin sa mga plaka, lalo na sa mga lumang plaka. Gaano ba kahirap gumawa ng bagong puting plaka, para palitan ang mga berde na ang LTO naman ang nagpatupad? Hindi naman bibigyan ng bagong letra at numero, gagayahin lang ang lumang letra at numero. Ano na naman ang paliwanag dito? Walang materyales? Walang panahon? Tumakbo ang supplier? May milagro na rin? Hindi ko maintindihan kung bakit ang mga bagong sasakyan na may apat na numero ang mas nabibigyan pa ng plaka, kung gagayahin lang naman ang mga lumang plaka. Magkakamot ka talaga ng ulo.