HINDI ligtas sa paglilitis ang taga-konsulado ng China na bumaril sa tatlong kapwa niyang opisyal ng konsulado sa Cebu. Ito ang pahayag ng Korte Suprema hinggil sa idinedemandang “diplomatic immunity” ng dalawang akusadong empleyado ng konsulado ng China. Namatay na ang dalawang nabaril, habang nasa ospital ang Consul General na si Song Rong Hua. Naganap ang pamamaril sa isang kainan sa Cebu. Kaarawan umano ng isa sa mga empleyado kaya sila nagsalu-salo.
Ayon sa mga testigo, tila nag-aaway ang ilan sa mga taga-konsulado dahil malakas at iba na ang tono ng pananalita, bagama’t hindi nila maintindihan. Bigla na lang may pumutok na baril. Dinala ang tatlong nabaril sa mga ospital, pero doon namatay ang dalawa. Nahuli ang mag-asawa, kaya “diplomatic immunity” kaagad ang bukang-bibig. Pero ayon sa mataas na hukuman, hindi puwede ito gamitin dahil hindi naman sa opisyal na trabaho ang kanilang ginawang krimen. At may pagbabasehang kaso ang pahayag ng mataas na hukuman. Hindi naman siguro opisyal na trabaho ang patayin ang kapwa empleyado.
Pero mabilis kumilos ang China. Ayon sa DFA, hiniling ng gobyerno ng China na hawakan na muna ng mga otoridad ang mag-asawa. Magpapadala sila ng kanilang tauhan para sunduin ang dalawa, at sa China na raw kakasuhan. Daw. Kaya kahit ang Korte Suprema na mismo ang nagpahayag na hindi pwedeng gamitin ang lusot na ito, may kasunduan umano ang gobyerno ng China at Pilipinas hinggil sa mga ganitong sitwasyon na dapat respetuhin. Hindi daw saklaw ng ating mga batas ang mga tauhan ng konsulado ng China kapag nasangkot sa krimen. Ang inaasahan na lang ng gobyerno ay talagang paparusahan ang dalawa para sa kanilang ginawa sa kapwa naman nilang taga-China. Sa China, kamatayan ang parusa kapag nahatulang may sala.
Kaya ganyan ang kuwento, mga kapamilya. Kahit ano pala ay puwedeng gawin ng mga may “diplomatic immunity” sa ating bansa. Kung paano sila nagkaroon ng baril ay isa pang tanong. Kung sabagay, madaling makakuha ng baril sa Cebu kung saan maraming gumagawa ng baril. At bakit nila naipasok sa kainan? Siguro hindi na rin kinapkapan o ininspeksyon ng mga guwardiya, na sa totoo lang ay madalas namimili kung sino ang kakapkapan nila, base sa itsura lang. Ano kaya kung Pilipino ang napatay ng taga-konsulado? Dagdag na naman sa mga problema ng dalawang bansa kung sakali.