DATI ang balikbayan box ang inaatupag ni Customs Commissioner Bert Lina. Bubuksan daw ang Balikbayan, pero umalma ang OFWs kaya natameme siya. Ngayon ay kakaiba naman ang hirit niya, tulungan daw ng publiko ang Customs sa kampanya nito laban sa smugglers at mga corrupt na opisyal at empleado nila. Gusto raw ng Customs na maging partner ang publiko sa pagsisiwalat ng mga ginagawang katiwalian ng mga taga-Customs. Kung mayroon daw alam ang publiko ng mga opisyal at tauhan ng Customs na masyadong marangya ang pamumuhay at sangkot sa mga illegal na gawain, ipagbigay alam daw sa kanila sa email address: ocompacd@gmail.com. O kaya’y sa Twitter: @CustomsPH o sa telepono bilang 02-7056052.
Ibig sabihin lamang nito, walang kakayahan ang Customs chief na wasakin ang nangyayaring smuggling at ang pananamantala ng mga corrupt na opisyal at empleado. Bakit kailangan pa niyang hingin ang tulong ng publiko gayung mas siya ang nakaaalam kung ang kanyang mga opisyal at empleado ay gumagawa ng katiwalian. Kung hihingin niya ang tulong ng publiko, hindi siya karapat-dapat sa puwesto. Ipaubaya ito sa mas nakaaalam kung paano mapuputulan ng sungay ang smugglers at mga corrupt sa ahensiya.
Marami nang nakaaalam na maraming gutom na buwaya sa Customs. Kaya nga isa ang Customs sa mga ahensiyang talamak ang katiwalian. Hindi nagbabago ang pagtingin ng mamamayan na maraming opisyal at empleado rito ang may sakit na “Hepa-B” dahil naninilaw sila sa dami ng ginto na nakasabit sa leeg at namulaklak ang daliri sa suot na singsing. Hindi ba ito alam ng Customs chief?
Maski nga ang janitor at guard ay naaambunan din ng kasaganaang tinatamasa ng mga opisyal at empleado. Kaya nga marami ang nagnanais na makapagtrabaho sa Customs para magkasakit din ng “Hepa-B”.
Huwag nang hikayatin ang mamamayan na tumulong para makilala ang mga smuggler at mga “buwaya” sa Customs. Kaya itong lutasin ng Customs chief. Kung gugustuhin, kaya niyang durugin at lipulin ang mga smuggler at buwaya.