Smugglers ng pagkain lusot sa ‘Daang Matuwid’

NABISTO kamakailan si ex-Land Transport Office chief Virgie Torres na “inaarbor” ang nasabat ng Customs na P100-milyong smuggled sugar. Nagpasaring umano siya sa Customs agents na kesyo ang kita ay pangkampanya ng P-Noy admin sa Halalan 2016. Agad itinatwa ng Malacañang si Torres, kabarilan ni P-Noy sa shooting range nu’ng congressman ng Tarlac. Pero hindi ito kinasuhan ng graft at smuggling.

Ang pagpapalaya kay Torres mula sa kasong kriminal ay pinaka-huli sa humahabang listahan ng kahipokritohan ng P-Noy admin. Kesyo “Daang Matuwid” ang tinatahak nito, pero nandiyan sina Agriculture Sec. Proceso at ex-National Food Authority administrator Orlan Calayag na nag-overprice umano ng P2.3 bilyong imported rice mula Vietnam nu’ng 2013-2014. Nandiyan si Davidson Banga­yan alias David Tan na paulit-ulit na nagpuslit ng libo-libong tonelada ng bigas, na ikinalugi ng mga lokal na magsa­saka. Nandiyan sina ex-Bureau of Plant Industry head Clarito Barrin na paulit-ulit din nag-smuggle ng murang bawang at sibuyas na isinalya nila sa merkado nang 36 na ulit ng presyo.

Wala ni isa sa kanila ang nakasuhan.

Isinisigaw ng Samahang Industriya sa Agrikultura na mahigit P200 bilyon nang pagkain ang na-smuggle mula nang umupo ang P-Noy admin nu’ng 2010. Karamihan dito ay bigas, P94 bilyon; pork, P40 bilyon; at sugar, P25 bilyon. Iba pang pinuslit, anang Sinag, ay manok, ba­wang, sibuyas, at carrots.

Doble ito kaysa P93 bilyong mga pagkain na ini-smuggle­ nu’ng Arroyo admin, 2005-2009.

Double whammy ang tama ng smuggling. Dahil 30-40% ang dapat na import tariffs sa pagkain, aabot sa P60 bilyon-P80 bilyon ang nawalang koleksiyon ng gobyerno sa smuggling.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments