HINDI na bago ang modus ng mga tiwaling pulis, ang hulidap.
Estilong panghuhuli sa isang indibidwal sa pamamagitan ng pagpa-planta ng ilegal na droga o anumang bagay na maituturing kontrabando at labag sa batas. Kapalit ng kalayaan ng kanilang biktima ay halaga ng perang hinihingi mula sa pamilya ng pobreng biktima.
Hindi awtorisado at walang basbas ng nakaupong opisyal ng isang presinto o istasyon ng pulisya ang aktibidad na ito ng mga pulis na sangkot sa hulidap. Walang isinagawang pagpaplano o kung sa lengguwahe ng mga alagad ng batas, pre-operations, walang sapat na impormasyon sa kanilang sabjek base sa information reference, walang koordinasyon sa ibang mga awtoridad bagkus ang kanilang kilos at galaw, nakabase lamang sa suspetsa.
Ang “information reference” ay salitang legal na ginagamit lamang ng mga awtoridad ng batas. Impormasyon na karaniwang nagmumula sa mga asset, intel, tipster, alpha, mismong biktima at concerned citizens hinggil sa partikular na kaso.
Isa ang ‘Hulidap’ kung bakit nadudungisan ang magandang imahe ng mga matitinong pulis na nagbibigay-serbisyo sa mga mamamayan. Dito iginaya ng mga tiwaling awtoridad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang bagong estilong modus nito lamang mga nakaraang linggo, ang ‘nilaglag-bala.’ Ang pagkakaiba lang, sa halip na droga ang ipina-planta sa biktima, bala ang kanilang itinatanim sa bagahe ng pasahero.
Sa pag-aanalisa ng BITAG sa mga hindi na mabilang na sumbong at reklamong panghu-hulidap na inilapit sa aming grupo, nangyayari ang Hulidap kapag nagkakaroon ng rigodon o reshuffle sa mga matataas na opisyal ng mga presinto, istasyon o distrito.
Dahil bago pa at wala pang masyadong alam sa kanilang hurisdiksyon ang bagong uupong mamumuno, ang mga tiwaling pulis nagkakaroon ng puwang para gumawa ng katarantaduhan. Pini-pendeho ang kanilang bagong hepe, dumidiskarte ng walang timbre at hindi ipinapaalam ang mga gagawing operasyon kaya kapag nagkawindang-windang, ang karaniwang sagot, ‘sorpresa’ daw sa bago nilang pinuno. Tsk…tsk!
Subalit, ang nakakalungkot at nakakabahala sa ganitong mga kasong Hulidap, marami sa mga biktima, dahil sa takot at para makaiwas sa perwisyo, mas pinipiling magbayad at makipag-areglo nalang. Ang ganitong mga insidente, hindi na naisasama sa estatistika ng krimen na patuloy pang tumataas sa bansa.
Panoorin ang bagong episode ng Hulidap, ang ‘Pasay Presinto Dos’ sa bitagtheoriginal.com click New Generation.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.