SI Lucy ay anak ni Emily pero hindi malaman kung sino ang tatay niya. Ang alam lang ng lahat ay kasal si Emily kay Ben noong Setyembre 16, 1960. Nagsama sila bilang mag-asawa sa loob ng apat na buwan o hanggang Enero 1961 pagkatapos ay nangibang-bansa na si Ben. Habang nasa ibang bansa si Ben o eksaktong dalawang taon at dalawang buwan matapos siyang umalis ay ipinanganak ni Emily si Lucy.
Noong Disyembre 1965, bumalik si Ben sa Pilipinas pero hindi niya binalikan si Emily. Sa katunayan, hindi niya alam na si Emily ay nanganak kay Lucy dahil sadyang inilihim ito ng babae. Bandang huli, tuluyan na silang naghiwalay ni Emily. Pumunta siya sa isang probinsiya sa timog kung saan nakilala niya at nagpakasal siya kay Anita. Namuhay sina Ben at Anita bilang mag-asawa, nagnegosyo at nagkaroon ng tatlong anak. Noong Hunyo 3, 1986, namatay si Ben at nag-iwan ng sangkaterbang ari-arian. Sa unang pagkakataon ay sumulpot si Lucy at naghabol bilang tagapagmana at legal na anak na babae ni Ben dahil ang lalaki raw ang lehitimong asawa ng kanyang ina noong panahon na ipinagbubuntis siya. Lehitimong anak nga ba si Lucy?
HINDI siya lehitimong anak. Kahit ipinanganak siya noong panahon na kasal ang kanyang mga magulang, imposible pa rin sa parte ni Ben na makipagtalik sa asawa niyang si Emily. Wala sa Pilipinas si Ben magmula noong Enero 1961 hanggang Disyembre 1965. Malinaw kasi na ipinanganak si Lucy dalawang taon at dalawang buwan matapos siyang umalis noong Marso 9, 1963. Kaya hindi talaga posibleng naipagbuntis siya noong panahon na nagsasama pa ang kanyang mga magulang bilang mag-asawa. Hindi uubra sa kasong ito ang doktrina na ginagamit natin sa batas tungkol sa ipinagpapalagay o itinuturing natin na legal na anak dahil magkalayo ng tirahan ang kanyang mga magulang sa paraan na hindi posibleng si mister ang makabuntis kay misis noong ipinagbubuntis ang bata.
Malinaw na hindi puwedeng makakuha ng mana si Lucy kay Ben (Francisco vs. Jasen, 60 Phil. 442). Kailangan na ang pisikal na imposibilidad na magalaw ni mister si misis ay sa loob ng unang apat na buwan (120 araw sa 10 buwan – 300 araw) bago ipinanganak ang bata. Ang pisikal na imposibilidad na ito ay maaaring sanhi ng pagiging baog ng lalaki o katulad nito na hiwalay na namumuhay ang mag-asawa o dala na rin ng malubhang sakit ni mister (Art. 255 Civil Code).