EDITORYAL – Riding-in-tandem, ba’t hindi malambat?

MAY ‘‘Oplan Lambat-Sibat’’ ang Philippine National Police (PNP) subalit bakit nakakasalakay pa rin ang mga riding-in-tandem na kawatan? Sa kabila na may lambat ang PNP ay nakakasibat pa rin ang riding-in-tandem na ngayon ay nagbibigay ng pangamba sa mamamayan sa tuwing lalabas sila ng kanilang tahanan.

Nang magsalita si PNP chief Director General Ricardo Marquez noong Hulyo 16, 2015 na kauupo niya sa puwesto, sinabi niyang magpapatrulya na ang mga pulis sa kalye para maproteksiyunan ang mama­mayan sa panganib. Maliwanag at punumpuno ng sustansiya ang mga sinabi ni Marquez:

“Ang pangunahing isyu na dapat harapin ng kapu­lisan ay crime prevention o paghadlang sa krimen. While we have developed the methodology to deli­berately reduce crime, as evidenced by the de­creasing trend in crime statistics in certain areas, the reality­ is that the fear of crime remains in the hearts of our citizens especially our mothers.

Naroroon pa rin ang takot at agam-agam ng mga magulang tuwing umaalis ng bahay ang kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang nais nating baguhin. Gusto nating masiguro na bawa’t anak, kapatid, o kasambahay ay ligtas sa kapahamakan at makakabalik na ng maayos sa kani-kanilang tahanan.

We have tried several crime prevention measures in the past without much success. I believe it is high time to go back to the basics of policing and institutionalize the implementation of patrolling nationwide.

Ako’y naniniwala na ang pagpapatrulya ng kapulisan sa mga komunidad ay nagdudulot ng mara­ming benepisyo.”

Subalit dalawang buwan na si Marquez sa puwesto ay bihira pa ring makakita ng pulis na nagpapatrulya sa mga lansangan lalo na sa dis-oras ng gabi. Mangilan-ngilan ang makikitang patrol car na yumayaot sa mga matataong lugar. Mangilan-ngilan ang mga pulis na naglalagay ng checkpoint at inilalagay pa nila sa lugar na maaaring makaiwas ang mga masasamang loob. Walang pulis na makikita sa paligid o sa paanan ng footbridge na karaniwang tinatambayan ng mga holdaper o snatcher at nag-aabang nang mabibiktima.

Kung may nagpapatrulyang pulis, hindi mabibiktima ng riding-in-tandem ang mga customer sa restaurant. Pati restaurant ngayon ay pinapasok na ng mga kawatan at tinututukan ng baril ang customer. Walang pulis na nagpapatrulya kaya madaling nakatakas ang mga kawatan.

Show comments