Hulaan kung sino’ng panalo

KARANIWANG excited ang mamamayan sa Eleksiyon 2016. Sinusuri kung sino ang dapat iboto para mapabuti ang bansa, at hinuhulaan kung sinu-sino ang mananalo. Dahil sa palagay nila ay alam ng mga mamamahayag ang mga magpapasyang kaganapan, hinihingan nila ang mga ito ng fearless forecasts ng mga kahihinatnan.

Problema diyan ay  hindi naghuhula ang mga mamamahayag ng anumang mangyayari hangga’t hindi ito nagaganap. Kaya makakabuti na mismong mamamayan na ang mag-political scenario. Isang paraan ay pagtakda -- mula sa mga tanda, kasaysayan at balita, o ugali’t kilos ng mga kandidato -- ng pinaka-malalang maaring sapitin ng mga tumatakbo, pero isaalang-alang na isa sa kanila ay malalampasan ang pagsubok dahil sa di-inaasahang pangyayari. Halimbawa, sa “presidentiables,” ipagpalagay na:

• Sunud-sunod pang alingasngas ang sisingaw mula sa, at sasablay pa ang Admin, na ikagagalit ng madla sa standard bearer nito, na ibinabanderang taga-tuloy ng “Daang Di Pala Matuwid”;

•  Mapiit dahil sa sari-saring habla ang Opposition candidate, maski siya’y immune from suit dahil sa posisyong VP;

• I-disqualify ang pinaka-popular na kandidata mula sa halal na posisyon; at

• Ang maramdaming pag-atras ng matigas magsalitang alternatibo ay hindi pa rin makahikayat ng mga magpopondo ng kampanya.

Ngayon, isaalang-alang na kakampi ang botanteng Pilipino sa sinumang inaapi. Dadagsa rin ang pera at campaign ads. At mas sablay ang pagbilang ng PCOS, na lumalala na mula 2010 at 2013.

Hayan, mahuhulaan na kung sino ang malamang manaig sa huli.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments