ITO ay kuwento ni Nilo, isang lalaking naniwala at nagsabing inampon siya ng kinalakhang mga magulang na sina Mar at Ria. Mayaman ang mag-asawa. Lumaki siya kina Mar at Ria kasama ng dalawa pang ampon, ang kambal na sina Nilda at Isabel. Mula pagkabata, sinuportahan, kinilala at itinuring sila na anak nina Mar at Ria. Naranasan nila ang ginhawa sa buhay. Tinatawag at itinuturing nila ang mga sarili bilang magkakapatid. Mayroon pang litrato si Nilo noong bata pa na magkakasama sila ng buong pamilya. Binigyan pa si Nilo ng isang litrato na may nakasulat na dedikasyon mula sa itinuturing na mga kapatid na babae.
Nang ikasal si Nilo, patuloy pa rin silang tumira ng misis niya sa isa sa mga ari-arian ng nag-ampon sa kanya hanggang sa kasalukuyan.
Nang namatay sina Mar at Ria, nakialam si Nilo sa pagpaparte ng mga ari-arian ng magulang. Sa umpisa sabi niya ay nakikialam siya bilang bastardong anak ni Mar. Pero noong mana na mula kay Ria ang hinahati, ang sinabi naman niya ay inampon siya ng mag-asawa base na rin sa salaysay ng isang tiyuhin na kapatid ni Mar. Ang tiyuhin ang nagdeklarang si Nilo ang bastardong anak na bandang huli ay inampon nina Mar at Ria. Mula sa salaysay na ito, pinagdugtung-dugtong na ni Nilo ang mga nangyari base na rin sa deklarasyon nina Mar at Ria noong nabubuhay pa sila at gusto raw nilang ampunin si Nilo at gawin na isa sa kanilang mga tagapagmana. Ito raw ang dahilan kaya noong sanggol pa lang siya ay kinupkop, pinakain, dinamitan at kinilala na siya bilang ampon ng mag-asawa. Kaya lang, wala siyang maipakitang kahit anong kautusan mula sa korte na nagpapatunay na inampon nga siya ng mag-asawa. Puwede nga ba talagang makatanggap si Nilo ng mana bilang isang legal na ampon?
HINDI. Ang pag-ampon na kinikilala ng ating batas ay iyon lang dumaan sa proseso at pinaboran ng korte. Upang mapatunayan na talagang may relasyon sila bilang nag-ampon at inampon, dapat ipakitang nasunod ang lahat ng kundisyones ng batas. Kung hindi walang bisa ang sinasabing pag-ampon. Hindi puwedeng basta ipagpalagay na inampon si Nilo. Dapat na patunayan muna niya ito. Kung walang ebidensiya sa pamamagitan ng kautusan na galing sa korte, hindi pa rin puwedeng makakuha ng mana ang ampon mula sa kinalakhang magulang na nag-ampon sa kanya. Kung wala ang ebidensiyang ito, hindi puwedeng tumanggap ng basta kuwento o “oral evidence” lang para ituring na ampon ang bata (Lazatin vs. Campos, 92 SCRA 250).