PATAY na raw ang Anti-Dynasty Bill. Sa Kongreso ay hindi na ito gumagalaw. At ang Palasyo ay malamya na rin ang pagtingin dito. Minsan nang sinabi ng Malacañang na hindi raw prayoridad ang Anti-Dynasty Bill. Para na ring sinabi na wala na ngang aasahan dito.
Pero kung si President Noynoy Aquino ang tinatanong ukol dito, dapat daw suportahan nang nakararami ang Anti-Dynasty Bill kagaya nang pagsuporta niya rito. Sabi niya sa isang interbyu, pabor siya sa pagsasabatas ng Anti-Dynasty Bill. Mahirap daw kung sa isang lugar ay isang pamilya na ang namamayani at nasa kanila na lahat --- economic, political, judicial, pati security sector kamag-anak nila, baka mahirap nang magkaroon ng malaya at makatotohanang halalan. Kapag daw ipinasa ng Congress ang panukala, agad daw niyang pipirmahan ito.
Maski sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo sinabi niya ukol sa Anti-Dynasty Bill: “May mali rin sa pagpapakasasa sa kapangyarihan ng isang tiwaling pamilya o opisyal. Hindi tayo nakakasiguro na malinis ang intensyon ng susunod…Kung nanaisin lang nilang habang buhay na maghari-harian para sa pansariling interes.”
Sa 1987 Constitution, may probisyon na nakasaad na nagbabawal sa political dysnasties subalit kinakailangang may batas para rito. Kailangang makapagpasa ng batas para lubusang malusaw ang political dynasties. Lumipas ang 28 taon mula nang maratipika ang Constitution subalit hanggang ngayon, walang ginagawa ang mga mambabatas para lubusang magkaroon nang katuparan ang anti-dynasty bill. Tila walang sigla. Iisa ang dahilan, ang mga mambabatas mismo ang apektado ng lilikhaing batas sapagkat sila mismo ay kabilang sa political dynasties.
Sa kasalukuyan, karaniwan na lamang na ang mga namumuno sa isang bayan o siyudad ay binubuo ng ama, asawa, anak, pamangkin, pinsan at iba pa. Ang ama ay mayor, ang ina ang vice mayor, ang anak ay kongresista at pati ang kapitan ng barangay ay pinsan.
Hindi na maganda ang nangyayaring ito sa bansa na ang mga naghahari ay magkakamag-anak. Kung talagang pinagmamalaki ng kasalukuyang administrasyon ang “tuwid na daan” dapat magpursigihan ang Anti-Dynasty Bill. Ipasa na ito.