EDITORYAL – Mga biktima ng dengue patuloy sa pagdami

MAY dengue outbreak sa ilang probinsiya sa Visayas­ dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nagkaka-dengue. Marami na rin ang may dengue sa Baguio City na umabot na sa 200 katao. Limang tao naman ang naiulat na namatay sa Ilocos Norte dahil sa dengue. Ang patuloy na pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa ay isang dahilan para dumami ang mga lamok na may dengue. Nangingitlog sila sa mga na­ipong tubig. Ayon sa PAGASA, magpapatuloy pa ang pag-ulan sa susunod na linggo.

Ayon sa Department of Health (DOH), ngayong 2015, umabot na umano sa 25,000 ang nagkaroon ng dengue. Marami rin ang kaso ng dengue sa Metro Manila, Calabarzon area at Central Luzon.

Nagpayo ang DOH sa mamamayan na maglinis ng kapaligiran. Itapon ang mga basyong bote at lata, tinapyas na gulong ng sasakyan, mga paso ng halaman at marami pang iba na paboritong tirahan ng mga lamok na tinatawag na Aedes Aegypti. Linisin ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig. Mabilis dumami ang mga lamok at sa isang iglap ay ikakalat nila ang lagim ng dengue. Madaling makikilala ang Aedes Aegypti sapagkat may batik-batik na puti sa katawan at kadalasang sa araw nangangagat.

Karaniwang biktima ng dengue ay mga bata. Sintomas ng dengue ang lagnat, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat (rashes) pananakit ng ulo at kasu-kasuan. Taun-taon ay tumataas ang bilang ng mga nagkaka-dengue. May mga ginawang eksperimento ang pamahalaan kung paano malilipol ang mga lamok. Katulad ng mosquito traps na unang sinubukan sa Bukidnon noong 2010 na napatunayang nabawasan ang kaso ng dengue. Ganundin ang ginawa sa Ballesteros at Claveria sa Cagayan na nabawasan din nang malaki ang dengue cases. Ginawa rin ito sa Catarman, Northern Samar at naging epektibo rin.

Paigtingin pa sana ng DOH ang pagbibigay ng impormasyon sa mamamayan ukol sa dengue upang ganap na maiwasan ito. Marami pa rin ang salat sa kaalaman ukol sa mga lamok na naghahatid ng sakit lalo na ang mga nasa liblib. Ituro sa mga estudyante ang pag-iingat­ at paglilinis sa kapaligiran para walang lamok na mabuhay. Sa pagbibigay ng tamang impormasyon matututo at maliligtas sa sakit ang lahat.

Show comments