KUNWARI ay infomercials pero ang katunayan ay pangangampanya na ang ginagawa ng mga tatakbo sa 2016 presidential elections. Nagmamaskarang infomercials pero ipino-promote at ipinakikilala na ang sarili sa taumbayan. Sabi ni James Jimenez, Comelec director for education and information division, makonsensiya naman sana ang mga nagpapa-advertise sa telebisyon na nagiging madalas na habang papalapit nang papalapit ang pagpa-file ng certificate of candidacy sa susunod na buwan. Kapansin-pansin na tumatagal na ang airtime at dumarami na ang mga naghahatid ng kanilang infomercials.
Maanghang ang sinabi ni Jimenez sa mga pulitikong palagi nang nakikita sa TV sa pamamagitan ng infomercials na mistulang nangangampanya na ang mga ito at kulang na lang sabihin sa viewers na iboto sila. Hindi raw dapat ganito ang mangyari sapagkat ang ginagastos ng mga pulitiko sa kanilang infomercial ay hindi naman magre-reflect sa kanilang gastos sa election. At alam aniya ng mga taong ito na hindi tama ang kanilang ginagawa. Dapat ay sumunod sa tinatadhana ng Omnibus Election Code sa pangangampanya ang mga pulitiko. Huwag umabuso ang mga may balak kumandidato.
Kung nakikita ng Comelec na ang ginagawa ng mga kandidato na infomercial ay maskara ng pangangampanya, dapat ipagbawal na ang ganito. Dapat ang Comelec mismo ang mag-utos sa mga kandidato na huwag nilang labagin ang batas sapagkat nakikita sila at inoobserbahan ng mamamayan. Magkaroon sana ng tapang ang Comelec para naman yumuko ang mga kandidatong gustong makalamang sa kanilang kapwa kandidato. Kung magpapatupad ang Comelec ng pagbabawal sa mga kandidato ukol sa maaga nilang commercial sa TV, mas maganda sapagkat magkakaroon ng patas na laban sa darating na 2016 elections.
Dapat din namang harapin ng Comelec ang mga maagang nagsasabit ng kani-kanilang tarpaulin sa mga kalsada na nagpapahiwatig ng pangangampanya. Ang masaklap, kahit ang mga stop light ay sinasabitan ng mga tarpaulin na maaaring magdulot ng aksidente. Makonsensiya naman sana ang mga maagang nangangampanya.