NAALALA n’yo pa ang kaso nina Claudio Teehankee Jr. at Rolito Go? Pawang pamamaril ang kanilang kaso. Binaril ni Teehankee si Vivian Hultman at Roland Chapman noong Hulyo 13, 1991 sa Dasmariñas Village. Namatay ang dalawa. Napatay naman ni Rolito Go ang La Salle engineering graduate na si Eldon Maguan noong Hulyo 2, 1991 dahil sa away trapiko. Sumalungat si Go sa trapik at muntik magbanggan. Bumaba si Go sa sasakyan at binunot ang baril. Pinaputukan si Maguan habang nakaupo. Namatay si Maguan. Kapwa nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo si Teehankee at Go.
Marami pang malalagim na kamatayan na nangyari dahil sa pamamaril. Marami nang naulila dahil sa walang habas na pamamaril. Kahit na walang kalaban-laban na tao ay walang awang binabaril. Nakapagtataka naman na sa kabila na marami nang namatay dahil sa pamamaril ay patuloy pa rin ang kaluwagan sa pagmamay-ari ng baril. Kahit sino ay maaaring magkaroon ng baril. Kahit hindi kuwalipikado ay nakapagdadala ng baril. Kahit sira ang ulo at may record na ng pagpatay ay nakapagdadala pa rin ng baril. Anong klaseng patakaran mayroon ang bansang ito na lahat na yata ay maaring magbaril at ipuputok kung kailan magustuhan. Kawawa ang mga matitiyempuhan ng may dalang baril at biglang tinopak.
Noong Martes ng gabi, isa na namang malagim na kamatayan ang naganap makaraang ratratin ng isang lalaki ang isang pampasaherong van sa White Plains, Quezon City. Napatay ang isang pasaherong babae at driver ng van makaraang pagbabarilin ni Jose Maria Abaya, 50, negosyante. Umano’y kumakain si Abaya sa isang stall sa Katipunan nang biglang tumigil sa harap ang van dahil sa pagkasira ng makina. Nang maisaayos ang makina ng van, umalis na ito. Umalis na rin si Abaya sakay ng motorsiklo. Nag-overtake umano si Abaya sa van at pinaputukan ito. Tinamaan ang babaing pasahero at tatlong iba pa. Makaraan ang ilang oras, sumuko si Abaya. Nang kapanayamin, binaril daw niya ang van dahil ang akala niya, mga armado ang nasa loob niyon at sinusundan siya. Sinampahan ng murder charge si Abaya ng QCPD. Napag-alaman na dating na-rehab si Abaya at may dating kaso ng pamamaril sa isang sekyu .
Bakit naisyuhan pa ng baril si Abaya? Hindi na kataka-taka kung bakit parating may malalagim na krimen ngayon. Maluwag ang PNP sa pagbibigay ng permit. Sisihin sila sa nangyayari ngayon.