Tayong mga tao’y maraming biyaya
na galing sa Diyos nating mapagpala;
araw-araw tayo’y mahal ng Bathala --
bagama’t maraming nagwawalanghiya!
Ang araw ang buwan laging sumisikat
na nangangalaga sa ibon at gubat;
ang bundok, ang ilog at dagat --
patuloy na dito’y nagpapaliwanag!
Sa bukid ang ating mga magsasaka
sa patak ng ulan sila’y masasaya;
kung wala ang tubig sila’y walang sigla
pagka’t ang pananim ay natutuyo na!
Ang araw sa lahat makapangyarihan
liwanag ang bigay sa lahat ng bayan;
sa kamay ng Diyos ang pinagmulan
kaya ang liwanag abot kahit saan!
Kung wala ang buwan wala ring pag-ibig
sa dalawang pusong sa pagsinta’y tigib;
wala ring bituing makislap sa langit
binata’t dalaga’y laging magkalapit!
Sa dagat naroon ang maraming isda
hindi nauubos hindi nawawala;
sa sungit ng bagyo na mamalakaya
isdang maliliit ay lumalaki pa!
Sa bundok at gubat ay maraming ibon
at mga pagkaing sa tao ay tulong;
may mga prutas du’n sa buwa’t panahon
nakukuha natin kahit pa ngayon!
Ang kamay ng Diyos laging nakalahad
doon nagmumula biyaya ng lahat;
kaya huwag tayo mawalan nang hangad
na siya’y talikdan sa anumang oras!