NADIDISMAYA ako kapag naririnig o nababasa ko ang Abu Sayyaf sa balita. Ang ibig sabihin kasi nito ay aktibo pa rin sila sa bansa. Hindi pa rin sila madurug-durog ng gobyerno, at patuloy pa rin ang kanilang terorismo at kriminal na aktibidad. Kailan lang ay kinanyon ng AFP ang isang kilalang kampo ng Sayyaf. Ayon sa militar, nakuha nila ang kampo kung saan nagpapagamot ang mga terorista matapos ang enkwentro sa militar kung saan naligtas ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard. Dalawa sa Sayyaf ang napatay, isa ang sugatan. Sasang-ayon siguro kayo na sana mas maraming Sayyaf ang napuruhan ng pagkanyon sa kampo.
Pero hindi ito magagawa kung ang mga baril ng mga sundalo natin ay depektibo. Higit 40,000 bagong M4 na nabili noong isang taon ang nadiskubreng depektibo ang pang-asinta. Ang epekto nito ay hindi matatamaan ng mga sundalo ang kanilang inaasinta dahil depektibo nga. Para sa sundalo, delikado ito kapag napapalaban na. Nangako naman ang supplier ng mga baril na aayusin ang depekto na walang karagdagang gastos sa gobyerno. Dapat lang. Naibalik na nga nang maayos ang ilang libong baril. Pero nakakapagtaka naman na ganito ang kalidad ng baril mula sa isang kilalang pangalan sa industriya, ang Remington Arms. Napakatagal na ng Remington Arms sa industriya para magkamali nang ganito.
Patuloy ang modernisasyon ng AFP para masugpo ang mga kalaban ng bansa. Tandaan na armado rin ng mga magagandang baril ang Sayyaf at BIFF. May mga armas nga sila na wala ang AFP, tulad ng mga RPG-7. Kailangan ding makumpirma kung may kakayanan na nga ang mga teroristang gumawa na ng sarili nilang mga baril, tulad ng mga mataas na kalibreng sniper rifles. Dapat nga malaman kung saan nila nakukha ang mga ito, at kung sino ang nagbibigay.
Kailan kaya darating ang araw na hindi na natin mababalitaan ang Sayyaf dahil naubos na sila? Kailan kaya magkakaroon ng katahimikan sa mga lugar kung saan aktibo pa rin ang Sayyaf? Sigurado ako na ang mga mamamayan ay pagod na rin sa grupong ito, na sa totoo ay mga kriminal na lang na gusto ng pera. Parang mga anay na unti-unting sinisira ang iyong tahanan. At walang magandang silbi ang anay sa tahanan, hindi ba?