IGINIIT ng administrasyon na kahit abot-langit ang rating ni Sen. Grace Poe, siya ay lubhang hilaw pa para kuning presidential standard bearer.
Kung baga sa mangga, masyado pang berde. Kailangan munang maging “dilaw”.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office Sec. Sonny Coloma kaugnay ng patuloy na panunuyo ni Liberal Party presidential standard bearer na si Mar Roxas.
Para sa akin, hindi na dapat pang magsalita ang administrasyon nang laban kay Sen. Poe kung talagang ayaw namang tumakbo nito bilang bise ni Roxas. Hindi magandang tingnan. Para bang dahil ayaw ng Senadora na maging bise lang ay ilalabas na ang kanyang mga kapintasan.
Tama ang sinabi ni Poe. Marami namang mapagpipilian. Naririyan si Rep. Leni Robredo na isa ring may mabuting reputasyon at kakayahan sa pamumuno. Naririyan din naman si Sen. Alan Peter Cayetano na tila hinihintay na lang na kausapin siya ng LP.
Nakakaasiwa lang ang mga umiinog na propaganda machine na pulos paninira kay Grace. Kesyo ambisyosa at matayog ang pangarap. Kesyo akala mo kung sino kung makaasta. Pinabubulaanan naman ng administrasyon na ito ang may pakana ng mga negatibong impormasyong ito.
Ngunit sa mata ng taumbayan, hindi maiaalis ang impresyon na tila nagsa-sour-graping ang administrasyon dahil hindi masungkit ang matamis na “oo” ni Poe.
Sa ngayon ay mukhang plantsado na ang plano nina Poe at Sen. Chiz Escudero para mag-tandem sa darating na 2016 elections. Bayaan na lang sila. Ito ay isang malayang bansa at kahit na sinong mamamayang Pilipino na marunong bumasa at sumulat, kahit mababa ang pinag-aralan ay may karapatang kumandidato.
Huwag nang pigilan ang hangarin ng iba na makapaglingkod din lalu pa’t kung sila ay nagpapakita naman ng kakayahan bilang leader. Para sa akin, mas maganda kung talagang dalawa lang ang maglalaban sa pagka-Pangulo. Pero komo tayo ay may sistemang multi-party, walang nagbabawal kanino man na tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.